CHIZ: DAPAT TANGGAPIN NG LAHAT NG PAARALAN MAGING ANG MGA DI-BAKUNADONG MAG-AARAL

 

Nagbabala si Sorsogon Governor Chiz Escudero na hindi dapat itaboy ng mga pampublikong paaralan ang mga estudyante na di-bakunado sa gitna ng paghahanda ng sistemang pang-edukasyon ng bansa para sa face-to-face classes.

Ginawa ng dating mambabatas, na nagbabalik-Senado, ang kanyang panawagan makaraang ilunsad ng Department of Education (DepEd) ang maagang pagpapatala para sa Akademikong Taon 2022-2023. Ang pre-registration, na nag-umpisa noong Marso 25, ay matatapos sa Abril 30.

“May mga ulat na hinihingan ng ilang paaralan ang mga estudyante ng proof of vaccination bago sila mailista sa in-person schooling. Bawal ito dahil we cannot hinder access to education on any condition because this is a fundamental human right,” ani Escudero.

Sinabi ni Escudero na nakasaad sa Saligang Batas ang pag-aatas sa Estado na protektahan at isulong ang karapatan ng lahat ng mamamayan sa de-kalidad na edukasyon sa lahat ng antas at nakamandato rito ang paggawa ng pamahalaan ng mga kinakailangang hakbang upang ang edukasyon ay maging para sa lahat.

“Kahit pa pinalalakas natin ang ating vaccination drive, lalo’t milyon-milyong COVID-19 vaccines ang mag-e-expire na, hindi naman puwedeng labagin ang karapatan ng mamamayan at gawing mandatory ang vaccination. What the DepEd can strengthen is its education drive on why the youth should be vaccinated and the establishment of safety protocols in schools,” aniya.

Sinimulan ng Department of Health ang pagbabakuna sa hanay ng mga batang edad 12-17 noong Nobyembre 2021 at ginawa rin ito para naman sa mga batang edad 5-11 noong Pebrero 2022. Mayroong 12.7 milyong kabataang Pilipino na edad 12-17, ayon sa Philippine Statistics Authority.

“Bakunado man sila o hindi, karapatan nilang makapag-aral, sa public man o sa pribado, no ifs or buts. Ang kanilang karapatan para sa quality education ay unconditional at hindi maitatanggi at hindi ito mababago ng COVID-19, ani Escudero.

Ayon sa DepED, umabot nang mahigit 27 milyon ang mga nagpatala sa mga pampublikong paaralan para sa batayang edukasyon noong 2021 na mas mataas ng mahigit isang milyong mag-aaral kumpara sa numero noong 2020.