Nananawagan si Sorsogon Governor Chiz Escudero sa mga tahanang Pilipino na bunutin mula sa saksakan ang kanilang mga kagamitan at huminto sa paggamit ng kuryente bilang pagsuporta sa Earth Hour sa Marso 26 simula 8:30-9:30 ng gabi.
“Para sa environmental awareness itong symbolic one-hour lights-out event at para na rin sa pagpapanatili sa ating kamalayan na maaaring may masasamang epekto ang human activity sa ating planeta. But I urge Filipinos to go beyond one hour or one day to manifest their commitment to reducing energy consumption,” ani Escudero.
“Puwede tayong maging conscientious consumers sa pamamagitan ng mga simpleng akto tulad ng hindi pag-overcharge sa ating gadgets, paggamit ng solar power sa ating mga bahay para sa mga ilaw at water heater, at pagbili ng mga mas energy-efficient na appliances kahit mas mahal ang mga ito ng konti,” aniya.
Sinabi ng senatorial candidate, na naging chairman ng Senate Committee on Environment and Natural Resources, na makabuluhan ang pagdiriwang ng Earth Hour ngayong taon dahil na rin sa bigat na nararanasan ng mga mamamayan dulot ng patuloy na pagtaas ng presyo ng fuel at kuryente.
“Sa pamamagitan ng pagpatay sa ating mga ilaw at electrical appliances sa loob ng isang buong oras, hindi lang nito naipahahayag ang ating commitment na mabawasan ang ating carbon footprint kundi nakatitipid din tayo kahit maliit sa gastos sa kuryente. At marahil sa paglipas ng panahon, maging ugali na natin ang pagpapatay ng ilaw nang mas maaga sa karaniwan at makatipid nang tuluyan sa ating electricity bill,” aniya.
Binigyang-diin ni Escudero, na nagbabalik-Senado, na mas malakas gumamit ng elektrisidad ang mga tao sa ngayon kumpara sa nakalipas na 20 taon dahil na rin sa pagkakaroon ng mga makabagong teknolohiya.
Noong 2020, nasa 897 kWh na ang nakukonsumong kuryente ng isang tao kumpara sa dating 400 Kwh lang noong 2000.