Umarangkada si senatorial candidate at Sorsogon Governor Chiz Escudero sa pinakahuling nationwide pre-election survey para sa pagkasenador ng radio station DZRH matapos mapusuan ng 45.3% respondent at ungusan ang tatlong mga katunggali sa eleksyon.
Base sa resulta ng MBC-DZRH Pre-election Survey na ginawa noong Marso 12, nadagdagan pa ng 6.3% ang mga nagsabing iboboto nila si Escudero sa halalan sa Mayo 9, dahilan para maging No. 2 sa mga tumatakbo sa pagkasenador, mula sa ikalimang pwesto nung huling survey ng Disyembre 2021.
Palaging paborito si Escudero ng mga mag-aaral sa kolehiyo at tauhan ng mga paaralan base na rin sa mga survey na isinagawa ng iba’t ibang eskuwelahan. Noong isang buwan, nanguna si Escudero para sa respondents ng survey na isinagawa ng Catholic Educational Association of the Philippines.
Isang dating senador nang dalawang termno, si Escudero ay kumakandidato na sa kabilang sa mga dala-dalang plataporma ang pagpapalakas sa mga lokal na pamahalaan at ang pag-aalok niya ng pagtulong sa susunod na administrasyon sa pagsolusyon sa mga problemang pang-ekonomiya at pangkalusugang hatid ng COVID-19 pandemic.
Nauna nang inendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kandidatura ni Escudero para sa Senado kasabay ng pagsasabi na malaki ang papel na gagampanan nito sa paggawa ng mahahalagang batas at reporma sa panahong nasasapul ang bansa ng mga hamong dulot ng pandemya.
Maging anak ni Duterte na si Davao City Mayor at vice-presidential candidate Sara Duterte-Carpio ay personal na sinusuportahan ang pagbabalik-Senado ni Escudero.
Ang mga tambalan nina Vice Pres. Leni Robredo at Sen. Francis Pangilinan; Sen. Ping Lacson at Senate Pres. Tito Sotto; at Sen. Manny Pacquiao at Rep. Lito Atienza ay kinuha rin sa kani-kanilang senatorial slates si Escudero.
Ang mga alkalde mula sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) at Eastern Samar na nabibilang sa League of Municipalities of the Philippines o LMP ay nag-endorso rin kay Escudero.
Naghayag na rin ng pagsuporta ang mga party-list group para sa kanyang balik-Senado at ito’y ang Ang Probinsyano, Ang Kabuhayan, Agimat, An Waray, ARISE, BHW, BTS, Kusog Bikolano, KAPUSO-PM, at Magdalo.
Ang Federation of Free Farmers, na isang napakalaking non-government organization na may 200,000 miyembro, ay naghayag na rin ng pagsuporta sa kampanya ni Escudero.