Pabor si Sorsogon Governor Chiz Escudero na ipagpaliban na lamang sa 2024 ang December 2022 barangay elections upang maumpisahan ng pamahalaan ang paghiwalay ng pagsasagawa nito sa ibang halalan.
“Papaburan ko ang postponement ng barangay elections—hindi simpleng postponement lang pero dapat i-desynchronize na sa taon kung saan may local elections. Ang aking layunin ay hindi lamang anim na buwan ang pagpapalitan kung hindi sa taong 2024 para hindi sumabay sa halalan ng 2025,” aniya.
Sinabi ng senatorial aspirant na kapag nanalo siya sa Senado ay kanyang itutulak ang isang amyenda sa batas upang mapalawig ang termino ng mga bagong uupong opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK).
Nakamandato sa Republic Act 9340 na dapat na isinasagawa ang barangay at SK elections kada tatlong taon subalit palagi itong naaantala kung kaya umaabot ng hanggang limang taon sa kanilang opisina ang mga opisyal.
Mula 2018, tatlong beses nang ipinagpaliban ang barangay at SK elections. Ang nakatakdang halalan ngayong Disyembre ay nagawa na sana noon pang Mayo 2020.
“Sana sa susunod, kung ipo-postpone din lang natin ang halalan, habaan na lang natin ang termino, imbes na kada tatlong taon pino-postpone natin,” ani Escudero. “Parang kontrata kasi ang eleksyon. Dapat klaro sa tao ang pinapasukan nila na kontrata dun sa opisyal na iboboto nila, kung gaano katagal nga ba sila maninilbihan.”
Sa pagtatakda ng barangay at SK elections sa taon kung kailan walang ibang halalang magaganap, mas makatutok ang gobyerno sa paghahanda at pagpondo para rito.
“’Yung mga susunod na eleksyon para sa barangay at SK, huwag na nating itaon sa panahon na may national elections din para mapagtuunan ng tamang pansin ang mga barangay dahil sa totoo lang, sila ang pinakamalapit na mukha ng gobyerno sa mga tao,” ani Escudero.
“Ang nagiging problema, natatakot ang mga politiko, natatakot ang gobyerno sa gastos na naman sa isang halalan. Para sa akin, mas marapat palakasin at patatagin ang demokrasya ng ating bansa kaysa convenience lamang ng mga politiko at ng mga lider ng pamahalaan,” aniya.
Mayroong 42,046 barangays sa Pilipinas, ayon na rin sa listahan ng Department of the Interior and Local Government noong Setyembre 2020.