CHIZ ISA SA NANGUNA SA SURVEY NG OCTA

 

Isa si Sorsogon Governor Chiz Escudero sa mga kandidato sa pagkasenador na bumandera sa pinakahuling survey na isinagawa ng research group na OCTA bago ang pagsasagawa ng pambansang halalan sa Mayo.

Kung nangyari ang eleksiyon sa panahon ng survey noong Marso 5-10, nagsabi ang 63% ng respondents na kanilang iboboto si Escudero, na isang beteranong mambabatas na naglingkod sa Senado sa loob ng dalawang magkasunod na termino, ayon sa pinakahuling nationwide polls ng OCTA Research na tinawag na ang “Tugon ng Masa.”

Si Escudero, na nag-iisang kasalukuyang gobernador na kumakandidato para sa Senado, ay rumanggo mula 1-5 sa OCTA Research Senatorial Preference survey na may 1,200 samples at may margin of error na +/-3%.

Palaging nangunguna ang beteranong mambabatas para sa mga respondent ng mga survey na ginagawa ng iba’t ibang independent pollsters at research firms. Dalawang linggo pa lamang ang nakalilipas, hindi natinag si Escudero sa kanyang numero unong puwesto sa survey na isinagawa ng Publicus Asia noong Marso 9-14 kung saanpinili siya ng halos 50% ng respondents.

Number 1 choice din si Escudero sa pagkasenador para sa respondents sa survey na isinagawa ng Catholic Educational Association of the Philippines na kinabibilangan ng 1,525 paaralan.

Kahit sa mga mock elections sa mga unibersidad, rumanggo nang mataas si Escudero sa hanay ng mga mag-aaral. Noong nakaraang buwan, nag-number 1 ang gobernador sa listahan ng mga senatorial candidate nang piliin siya ng 59.46% ng kabuuang bilang ng respondents mula sa Philippine Normal University-Mindanao Campus.

Sa “Likha Pahinarya: Mock Elections Survey 2022,” na isinagawa mula Marso 12-25 at inorganisa ng Likha Pahinarya, ang opisyal na pahayagan ng College of Allied Health Sciences ng Cagayan State University sa Tuguegarao City, napabilang si Escudero sa mga nangungunang kandidato sa pagkasenador nang sabihin ng halos 60% respondents ng online survey na siya’y iboboto nila.

Isang dating senador sa loob ng 12 taon, sinabi ni Escudero na kapag nanalo siya uli para sa Senado ay kanyang tututukan ang pagpapalakas sa mga lokal na pamahalaan at tutulong siya sa susunod na administrasyon sa pagsolusyon sa mga problemang pang-ekonomiya at pangkalusugang hatid ng COVID-19 pandemic.

Nauna nang inendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kandidatura ni Escudero para sa Senado kasabay ng pagsasabi na malaki ang papel na gagampanan nito sa paggawa ng mahahalagang batas at reporma sa panahong nasasapul ang bansa ng mga hamong dulot ng pandemya.

Maging anak ni Duterte na si Davao City Mayor at vice-presidential candidate Sara Duterte-Carpio ay personal na sinusuportahan ang pagbabalik-Senado ni Escudero.

Ang mga tambalan nina Vice Pres. Leni Robredo at Sen. Francis Pangilinan; Sen. Ping Lacson at Senate Pres. Tito Sotto; at Sen. Manny Pacquiao at Rep. Lito Atienza ay kinuha rin sa kani-kanilang senatorial slates si Escudero.

Ang mga alkalde mula sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) at Eastern Samar na nabibilang sa League of Municipalities of the Philippines o LMP ay nag-endorso rin kay Escudero.

Naghayag na rin ng pagsuporta ang mga party-list group para sa kanyang balik-Senado at ito’y ang Ang Probinsyano, Ang Kabuhayan, Agimat, An Waray, ARISE, BHW, BTS, Kusog Bikolano, at KAPUSO-PM.

Ang Federation of Free Farmers, na isang napakalaking non-government organization na may 200,000 miyembro, ay naghayag na rin ng pagsuporta sa kampanya ni Escudero.