CHIZ, MISIS NA SI HEART EVANGELISTA KABILANG SA MGA MAAGANG BUMOTO SA SORSOGON CITY

 

Si Sorsogon Governor Chiz Escudero, ang nag-iisang kasalukuyang gobernador na tumatakbo para senador, ay bumoto Lunes nang umaga para sa Halalan 2022 sa Buhatan Integrated National School sa Sorsogon City.

Ang gobernador ay sinamahan ng kanyang maybahay na si global brand ambassador at social media celebrity Heart Evangelista-Escudero na bumoto rin sa nasabing paaralan sa ilalim ng Precinct No. 0079A.

Ang mag-asawa ay pumila sa botohan kasama ng kanilang mga kaprobinsiya ganap na 5:45nu at kabilang sa mga unang nakapasok sa itinalagang presinto.

Sa kanilang pagpasok, si Escudero at kanyang maybahay, na nakaputing T-shirt at nakabestidang puti ayon sa pagkakasunod, ay dumiretso sa mga opisyal ng eleksiyon para sa beripikasyon at kinuha ang kanilang mga balota at pagkatapos ay tumuloy na sila sa mga nakatalagang upuan.

Ang pagboto ng dalawa ay natapos sa loob lamang ng pitong minuto.

Dalawampu’t apat na taon na sa serbisyo-publiko si Escudero na nagsimula bilang isang kongresista na kumakatawan sa unang distrito ng Sorsogon noong 1998 at muling nahalal ng dalawa pang termino. Nahalal siya bilang senador sa loob ng dalawang termino noong 2007 at 2013 at saka tumakbo at nanalo bilang gobernador ng Sorsogon noong 2019.

Sinabi ni Escudero na kapag nanalo siya uli para sa Senado ay kanyang isasaprayoridad ang paggawa ng mga batas para maging mas maagap ang pagtugon ng bansa sa pandemya, palalakasin niya ang mga lokal na pamahalaan, at kanyang sisiguruhin ang masinop na paggamit sa pondo ng taong-bayan upang makatulong sa pagbangon ng ekonomiya na pinadapa ng pandemya.