CHIZ NAG-NO. 2 SA STUDENT MOCK ELECTION SA PNU-VISAYAS

 

Nakuha ng beteranong mambabatas at Sorsogon Governor Chiz Escudero ang pangalawang puwesto sa hanay ng mga kandidato sa pagkasenador nang piliin siya ng 63.50% ng mga mag-aaral ng Philippine Normal University (PNU) Visayas campus na respondents sa katatapos lamang na PNU system-wide mock polls.

Sa isang Facebook post, sinabi ng PNU-Student Electoral College na 3,358 estudyante mula sa Manila, North Luzon, South Luzon, Visayas, at Mindanao campuses ng state university ang sumali sa “Tindig PNUANS: 2022 PNU System-Wide Mock Elections”.

Sa PNU Visayas campus, na nasa Cadiz City, Negros Occidental, nasa 463 mag-aaral ang nakibahagi sa survey na isinagawa mula Pebrero 26-Marso 11, 2022.

Sa pangkalahatan, pumangatlo si Escudero na may 1,720 boto o 51.22% ng lahat ng mga sumaling estudyante. Sa per campus basis, nag-number one si Escudero sa Mindanao habang pumangalawa naman ang beteranong mambabatas sa PNU North Luzon, pumangatlo South Luzon, at pumang-anim sa Manila.

Palaging paborito si Escudero ng mga mag-aaral sa kolehiyo at tauhan ng mga paaralan base na rin sa mga survey na isinagawa ng iba’t ibang eskuwelahan. Noong isang buwan, nanguna si Escudero para sa respondents ng survey na isinagawa ng Catholic Educational Association of the Philippines.

Isang dating senador nang dalawang termno, si Escudero ay kumakandidato na kabilang sa mga dala-dalang plataporma ang pagpapalakas sa mga lokal na pamahalaan at ang pag-aalok niya ng pagtulong sa susunod na administrasyon sa pagsolusyon sa mga problemang pang-ekonomiya at pangkalusugang hatid ng COVID-19 pandemic.

Nauna nang inendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kandidatura ni Escudero para sa Senado kasabay ng pagsasabi na malaki ang papel na gagampanan nito sa paggawa ng mahahalagang batas at reporma sa panahong nasasapul ang bansa ng mga hamong dulot ng pandemya.

Maging anak ni Duterte na si Davao City Mayor at vice-presidential candidate Sara Duterte-Carpio ay personal na sinusuportahan ang pagbabalik-Senado ni Escudero.

Ang mga tambalan nina Vice Pres. Leni Robredo at Sen. Francis Pangilinan; Sen. Ping Lacson at Senate Pres. Tito Sotto; at Sen. Manny Pacquiao at Rep. Lito Atienza ay kinuha rin sa kani-kanilang senatorial slates si Escudero.

Ang mga alkalde mula sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) at Eastern Samar na nabibilang sa League of Municipalities of the Philippines o LMP ay nag-endorso rin kay Escudero.

Naghayag na rin ng pagsuporta ang mga party-list group para sa kanyang balik-Senado at ito’y ang Ang Probinsyano, Ang Kabuhayan, Agimat, An Waray, ARISE, BHW, BTS, Kusog Bikolano, KAPUSO-PM, at Magdalo.

Ang Federation of Free Farmers, na isang napakalaking non-government organization na may 200,000 miyembro, ay naghayag na rin ng pagsuporta sa kampanya ni Escudero.