CHIZ NANGUNA SA BATANGAS SENATORIAL SURVEY

 

Nakuha ni Sorsogon Governor Chiz Escudero ang pangalawang puwesto sa mga nangungunang kandidato sa pagkasenador sa halalan sa Mayo 9, ayon sa isang online opinion poll na isinagawa ng news organization na Batangas.net sa nasasakupan ng probinsiya noong Marso 18-21.

Si Escudero, na isang senador na nakadalawang termino, ay pinili ng 50.1% ng 1,200 na mga Batangueño na nagsabi na iboboto nila siya kung nangyari ang eleksiyon noong panahong ginawa ang non-commissioned survey.

Ang Batangas ay isa sa mga probinsiya sa bansa na may pinakamaraming boto kung saan mayroong itong 1.8 milyong rehistradong botante sa halalan ngayong taon, base sa datos mula sa Commission on Elections.

Samantala, lumabas din sa tumatakbong survey na isinagawa ng isa pang news organization, ang GO-Pangasinan, na pumangalawa si Escudero sa mga kandidato sa pagkasenador na pasok sa 12 puwesto sa Senado.

Si Escudero, na kumakandidato para sa isang bagong anim na taong mandato sa Senado, ay palaging nangunguna para sa mga respondent ng iba’t ibang polls.

Kamakailan lang, pumangalawa si Escudero sa isang survey na kinomisyon ni Eastern Samar Gov. Ben Evardone sa nasasakupan ng probinsiya.

Sa isa pang survey sa probinsiya, nanguna si Escudero sa Laguna kung saan pinili siya ng 56.81% ng 1,556 respondents na mga tagaprobinsiya.

Lumilitaw rin na gustong-gusto siyang manalo ng mga estudyante na makikita naman sa mga resulta ng mock elections na isinasagawa ng iba’t ibang kolehiyo at unibersidad sa buong bansa.

Ang dating senador ay number one choice para sa respondents ng isang survey na isinagawa ng Catholic Educational Association of the Philippines na kinabibilangan ng mahigit 1,525 paaralan.

Noong Pebrero, nanguna ang gobernador ng Sorsogon para sa mga respondent sa survey na isinagawa ng Philippine Normal University-Mindanao Campus kung saan naitala niya ang 59.6% ng kabuuang respondents.

Sa “Likha Pahinarya: Mock Elections Survey 2022” ng College of Allied Health Sciences ng Cagayan State University sa Tuguegarao City, si Escudero ay napabilang sa mga nangungunang kandidato sa pagkasenador matapos sabihin ng halos 60% respondents ng online survey na siya’y iboboto nila.

Sinabi ni Escudero, na nag-iisang kasalukuyang gobernador na tumatakbo sa pagkasenador, na kapag nahalal uli siya sa Senado, kanyang isasaprayoridad ang paggawa ng mga batas para maging mas maagap ang pagtugon ng bansa sa pandemya, palalakasin niya ang mga lokal na pamahalaan, at kanyang sisiguruhin ang masinop na paggamit sa pondo ng taong-bayan upang makatulong sa pagbangon ng ekonomiya na pinadapa ng pandemya.

Nauna nang inendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kandidatura ni Escudero para sa Senado dahil sa magandang track record bilang isang beteranong mambabatas na aniya’y napakaimportante sa paggawa ng mahahalagang batas at reporma sa panahong nasasapul ang bansa ng mga hamong dulot ng pandemya. Ang kanyang anak na si Davao City Mayor at vice-presidential candidate Sara Duterte-Carpio ay personal na sinusuportahan ang pagbabalik-Senado ni Escudero.

Ang mga tambalan nina Vice Pres. Leni Robredo at Sen. Francis Pangilinan; Sen. Ping Lacson at Senate Pres. Tito Sotto; at Sen. Manny Pacquiao at Rep. Lito Atienza ay kinuha rin sa kani-kanilang senatorial slates si Escudero.

Ang mga alkalde mula sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) at Eastern Samar na nabibilang sa League of Municipalities of the Philippines o LMP ay nag-endorso rin kay Escudero.

Naghayag na rin ng pagsuporta ang mga party-list group para sa kanyang balik-Senado at ito’y ang Ang Probinsyano, Ang Kabuhayan, Agimat, An Waray, ARISE, BHW, BTS, Kusog Bikolano, KAPUSO-PM, at Uswag Ilonggo.

Ang pinakamalaking Federation of Free Farmers, na may 200,000 miyembro, ay  naghayag na rin ng pagsuporta sa kampanya ni Escudero.