CHIZ NANGUNA SA PUBLICUS SENATORIAL SURVEY SA METRO MANILA

 

Nanguna si Sorsogon Governor Chiz Escudero mula sa hanay ng 60 kandidato sa pagkasenador na naglalaban-laban para sa 12 puwesto sa Senado, ayon sa isang survey na isinagawa ng Publicus Asia sa buong Metro Manila.

Makikita sa survey na ginawa noong Abril 8-13 o kulang isang buwan bago ang halalan sa Mayo 9 na pinili si Escudero, ang nag-iisang kasalukuyang gobernador na tumatakbo sa Senado, ng 47.3% ng 1,625 respondents base na rin sa PAHAYAG NCR Tracker ng Publicus.

Sa website nito, ipinaliwanag ng Publicus Asia ang survey samples ay galing sa isang market research na hawak ng PureSpectrum na isang kompanya sa US na kilala sa buong mundo. Ang survey ay may margin of error na +/- 3%.

Nakalimita lamang ang mga respondent para sa mga rehistradong botante at ginawa ang pagkuha sa mga ito base sa pormulasyon upang maakma sa kung ano ba talaga ang mga botante sa lugar basehan ang mga numero ng Commission on Elections.

Sinabi ni Escudero na kapag nanalo siya uli para sa Senado ay kanyang isasaprayoridad ang paggawa ng mga batas para maging mas maagap ang pagtugon ng bansa sa pandemya, palalakasin niya ang mga lokal na pamahalaan, at kanyang sisiguruhin ang masinop na paggamit sa pondo ng taong-bayan upang makatulong sa pagbangon ng ekonomiya na pinadapa ng pandemya.

Nauna nang inendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kandidatura ni Escudero para sa Senado dahil sa magandang track record bilang isang beteranong mambabatas na aniya’y napakaimportante sa paggawa ng mahahalagang batas at reporma sa panahong nasasapul ang bansa ng mga hamong dulot ng pandemya. Ang kanyang anak na si Davao City Mayor at vice-presidential candidate Sara Duterte-Carpio ay personal na sinusuportahan ang pagbabalik-Senado ni Escudero.

Ang mga tambalan nina Vice Pres. Leni Robredo at Sen. Francis Pangilinan; Sen. Ping Lacson at Senate Pres. Tito Sotto; at Sen. Manny Pacquiao at Rep. Lito Atienza ay kinuha rin sa kani-kanilang senatorial slates si Escudero.

Ang League of Provinces of the Philippines ay isinama rin si Escudero sa listahan nito ng iniendorsong anim na kandidato sa pagkasenador sa halalan sa Mayo 9.

Ang dating senador ay sinusuportahan din ng mga party-list group na kinabibilangan ng Ang Probinsyano, Ang Kabuhayan, Agimat, An Waray, ARISE, BHW, BTS, Kusog Bikolano, KAPUSO-PM, at Uswag Ilonggo, at pati ng grupo ng kabataang Pilipino na Nationalist Social-Democratic Society.

Ang mga alkalde mula sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) at Eastern Samar na nabibilang sa League of Municipalities of the Philippines o LMP ay nag-endorso rin kay Escudero.

Ang pinakamalaking non-government organization sa bansa na Federation of Free Farmers, na may 200,000 miyembro, ay naghayag na rin ng pagsuporta sa kampanya ni Escudero.

Lumilitaw rin na gustong-gusto manalo ng mga estudyante ang dating senador para sa karera sa Senado na makikita naman sa mga resulta ng mock elections na isinagawa ng hindi bababa 36 kolehiyo at unibersidad sa buong bansa.