CHIZ NO. 1 ULI SA BAGONG PUBLICUS SENATORIAL SURVEY

 

Napanatili ni Sorsogon Governor Chiz Escudero ang kanyang numero unong posisyon sa mga kandidato sa pagkasenador na tumatakbo para sa 12 puwesto sa Senado, ayon sa pinakabagong opinion poll na isinagawa ng Publicus Asia mula Marso 30 hanggang Abril 6.

Sa pinakahuling Pahayag 2022 Senatorial Survey Series ng Publicus Asia, na isinapubliko kulang isang buwan bago ang pambansang halalan sa Mayo, makikita na nadagdagan pa ng isang percentage point si Escudero kaya naging 49.4% na ang kanyang boto dahilan upang mapanghawakan niya ang kanyang pangunguna sa hanay ng mahigit 60 senatorial aspirants.

Si Escudero, na nag-iisang kasalukuyang gobernadora na kumakandidato para sa pagkasenador, ay palaging nangunguna sa mga survey ng mga pollster nitong mga nakaraan.

Ayon sa Publicus Asia, mayroong 1,500 respondents sa ginawa nitong pre-election opinion poll na nanggaling ang datos sa Commission on Elections mismo.

Isang dating senador sa loob ng dalawang termino, sinabi ni Escudero na kapag nanalo siya uli para sa Senado ay kanyang isasaprayoridad ang paggawa ng mga batas para maging mas maagap ang pagtugon ng bansa sa pandemya, palalakasin niya ang mga lokal na pamahalaan, at kanyang sisiguruhin ang masinop na paggamit sa pondo ng taong-bayan upang makatulong sa pagbangon ng ekonomiya na pinadapa ng pandemya.

Nito lamang, sinabi ng mag-aaral ng 36 kolehiyo at unibersidad sa buong bansa na kanilang iboboto si Escudero kung nangyari ang halalan sa panahong isinagawa ang iba’t ibang senatorial mock polls na nagpapatotoo lalo na malakas siya sa mga kabataan sa darating na halalan.

Nauna nang inendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kandidatura ni Escudero para sa Senado dahil sa magandang track record bilang isang beteranong mambabatas na aniya’y napakaimportante sa paggawa ng mahahalagang batas at reporma sa panahong nasasapul ang bansa ng mga hamong dulot ng pandemya. Ang kanyang anak na si Davao City Mayor at vice-presidential candidate Sara Duterte-Carpio ay personal na sinusuportahan ang pagbabalik-Senado ni Escudero.

Ang mga tambalan nina Vice Pres. Leni Robredo at Sen. Francis Pangilinan; Sen. Ping Lacson at Senate Pres. Tito Sotto; at Sen. Manny Pacquiao at Rep. Lito Atienza ay kinuha rin sa kani-kanilang senatorial slates si Escudero.

Ang mga alkalde mula sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) at Eastern Samar na nabibilang sa League of Municipalities of the Philippines o LMP ay nag-endorso rin kay Escudero.

Naghayag na rin ng pagsuporta ang mga party-list group para sa kanyang balik-Senado at ito’y ang Ang Probinsyano, Ang Kabuhayan, Agimat, An Waray, ARISE, BHW, BTS, Kusog Bikolano, KAPUSO-PM, at Uswag Ilonggo, at pati na ang pinakamalaking Federation of Free Farmers, na may 200,000 miyembro, ay naghayag na rin ng pagsuporta sa kampanya ni Escudero.