Kabilang si Sorsogon Governor Chiz Escudero sa mga nangungunang kandidato sa pagkasenador para sa mga Tomasino sa pambansang halalan sa susunod na buwan, ayon sa isang survey na ginawa ng Varsitarian, ang opisyal na pahayagan ng University of Sto. Tomas.
Base sa university-wide survey na isinagawa mula Pebrero 20 hanggang Marso 20, si Escudero ay pinili 65.1% ng 4,401 respondents galing sa iba’t ibang faculty, kolehiyo, at instituto ng UST na pinakamatandang unibersidad sa Pilipinas at Asya.
Ayon sa website nito, isinagawa ng Varsitarian ang survey sa pamamagitan ng Google Forms at gumamit ito ng isang randomized cluster sampling method kung saan ang mga estudyante ay random na pinili sang-ayon sa sample size para bawat faculty, kolehiyo o instituto. Mayroon itong ±1.7% margin of error at 98.3% confidence level.
Sinabi ng pahayagan na 68% ng respondents ay boboto sa darating na halalan sa kauna-unang pagkakataon. Ang first-year students na sumali sa survey ay binubuo ng 22.3% ng kabuuang bilang ng respondents habang 23.2% naman sa sophomores, 24.5% sa juniors, 21.5% sa seniors, 1.1% sa fifth-year students, at 7.4% sa postgraduates. Ang survey ay sinalihan ng 18 faculties, kolehiyo, at instituto.
Si Escudero, na kumakandidato para sa isang bagong anim na taong termino sa Senado, ay palaging nangunguna para sa mga respondent ng mga survey at mock election na isinasagawa ng iba’t ibang kolehiyo at unibersidad sa bansa.
Number 1 choice din si Escudero sa pagkasenador para sa respondents sa survey na isinagawa ng Catholic Educational Association of the Philippines na kinabibilangan ng 1,525 paaralan.
Nanguna rin ang dating senador bilang kandidato sa pagkasenador sa isang bagong mock election sa hanay ng mga mag-aaral ng Sorsogon State University na nagpapatotoo sa kanyang mahusay na pamamahala at magandang track record at pati na sa kanyang mga nagawa bilang chief executive ng probinsiya.
Noong Pebrero, nag-number 1 ang gobernador sa listahan ng mga senatorial candidate nang piliin siya ng 59.46% ng kabuuang bilang ng respondents mula sa Philippine Normal University-Mindanao Campus.
Sa “Likha Pahinarya: Mock Elections Survey 2022,” na isinagawa mula Marso 12-25 at inorganisa ng Likha Pahinarya, ang opisyal na pahayagan ng College of Allied Health Sciences ng Cagayan State University sa Tuguegarao City, napabilang si Escudero sa mga nangungunang kandidato sa pagkasenador nang sabihin ng halos 60% respondents ng online survey na siya’y iboboto nila.
Isang dating senador sa loob ng 12 taon, sinabi ni Escudero na kapag nanalo siya uli para sa Senado ay kanyang tututukan ang pagpapalakas sa mga lokal na pamahalaan at tutulong siya sa susunod na administrasyon sa pagsolusyon sa mga problemang pang-ekonomiya at pangkalusugang hatid ng COVID-19 pandemic.
Nauna nang inendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kandidatura ni Escudero para sa Senado kasabay ng pagsasabi na malaki ang papel na gagampanan nito sa paggawa ng mahahalagang batas at reporma sa panahong nasasapul ang bansa ng mga hamong dulot ng pandemya.
Maging anak ni Duterte na si Davao City Mayor at vice-presidential candidate Sara Duterte-Carpio ay personal na sinusuportahan ang pagbabalik-Senado ni Escudero.
Ang mga tambalan nina Vice Pres. Leni Robredo at Sen. Francis Pangilinan; Sen. Ping Lacson at Senate Pres. Tito Sotto; at Sen. Manny Pacquiao at Rep. Lito Atienza ay kinuha rin sa kani-kanilang senatorial slates si Escudero.
Ang mga alkalde mula sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) at Eastern Samar na nabibilang sa League of Municipalities of the Philippines o LMP ay nag-endorso rin kay Escudero.
Naghayag na rin ng pagsuporta ang mga party-list group para sa kanyang balik-Senado at ito’y ang Ang Probinsyano, Ang Kabuhayan, Agimat, An Waray, ARISE, BHW, BTS, Kusog Bikolano, at KAPUSO-PM.
Ang Federation of Free Farmers, na isang napakalaking non-government organization na may 200,000 miyembro, ay naghayag na rin ng pagsuporta sa kampanya ni Escudero.