CHIZ PINANIGAN ANG UTOS NI DUTERTE NA BALIK FACE-TO-FACE CLASSES

 

Pinanigan ni senatorial candidate at Sorsogon Governor Chiz Escudero ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa pagbabalik ng face-to-face classes sa buong bansa na parte ng 10-point policy agenda ng administrasyon para pabilisin ang pagbangon ng ekonomiya na pinahina ng pandemya.

Mula pa noong nakaraang taon, itinutulak na ni Escudero ang pagbabalik ng in-person classes sa mga lugar kung saan mababa ang impeksiyon ng COVID-19, tulad sa Sorsogon kung saan walang coronavirus sa mahigit 55% ng mga barangay, dahil na rin lumilitaw sa mga pag-aaral na hindi ganoon kaepektibo ang online learning.

“Sang-ayon at suportado ko ang kautusang ito ni Pangulong Duterte sa panunumbalik ng face-to-face classes sa buong bansa. Higit sa economic recovery, ito ang tamang direksyon at solusyon upang muling matutukan ng ating mga guro ang maayos na pag-aaral ng ating mga estudyante,” ani Escudero na isang beteranong mambabatas.

Inilatag ni Pangulong Duterte ang mga plano para sa economic recovery sa ilalim ng Executive Order No. 166 na kanyang pinirmahan noong Marso 21 kung saan nakalagay rito ang mga kinakailangang gagawin, kabilang ang pagbabalik ng face-to-face learning, para sa pagpapabilis ng pagbangon ng lokal na ekonomiya na naapektuhan ng pampublikong krisis pangkalusugan.

“Umaasa tayo na sa pagbabalik sa mga classrooms ng mga mag-aaral ay makahabol sila, muling makasabay at hindi na mapag-iiwanan ng mga estudyante sa ibang bansa na matagal nang nagbalik-paaralan,” ani Escudero.

Ayon sa isang ulat ng World Bank, 20% lamang ng Pilipinas ang nakasabay sa online learning nang ipatupad ng gobyerno ang pinakamahigit at pinakamahabang lockdown sa mundo kung kaya naetsa-puwera sa bagong kalakaran ang maraming mag-aaral.

Sa Pilipinas, ayon pa rin sa nasabing ulat, tumaas nang hanggang 90% ang tinatawag na “learning poverty” noong Agosto 2021 na nasa 69.5% na bago pa man magpandemya.

Ang learning poverty ay ang bilang ng mga batang edad 10 taon na hindi kayang basahin o maunawaan ang isang simpleng kuwento. Nabanggit din sa ulat na kabilang ang mga mag-aaral na Pilipino sa mga napakahina sa math at science.

“Hindi ako naniniwala na poor learners sila at baka naman poor learning environment lang ang isang dahilan at baka kailangan pang dagdagan ang pagsuporta sa kanila para mas maka-focus sila sa kanilang pag-aaral. We have to address this crisis in education at pagpapabalik sa kanila sa paaralan ay isang magandang simula at nasa tamang direksiyon,” ani Escudero.