Hinihimok ni Sorsogon Governor Chiz Escudero ang mga alkalde sa mga lugar na hindi na delikado sa COVID-19 na ibalik na ang face-to-face classes sa kani-kanilang nasasakupan bilang pagsuporta na rin sa balak ng pamahalaan na gawin na uli ang pagbubukas ng klase sa mismong paaralan sa lahat ng antas sa Agosto.
Nagbigay na ng direktiba ang Department of Education (DepEd) sa mga regional offices nito na umpisahan nang paramihin ang bilang ng mga mag-aaral sa face-to-face classes ngayong buwan kung ang naipasa na naman ng mga eskuwelahan ang School Safety Assessment Tool (SSAT) at pumayag na rin ang mga lokal na pamahalaan sa mga lugar kung nasaan ang mga ito.
“We operate within a framework of shared responsibility, at trabaho namin bilang mga local chief executives na bigyan ang mga bata ng best learning environment. Magdadalawang-taon na silang nakaharap sa kanilang screens. Base sa mga pag-aaral at nakita rin naman natin na hindi ganu’n kaepektibo ang online learning,” ani Escudero.
Ayon sa DepEd, pumasa sa SSAT ang 6,686 paaralan sa buong bansa (6,586 dito’y public at 100 naman ang private), at mas darami pa ito sa susunod na pasukan dahil na rin sa pagnanais ng ng ibang paaralan na sundin ang SSAT.
“Simulan na natin na ihanda ang ating public schools para pagbabalik ng mga estudyante rito. Kumpunihin na ang dapat ayusin, gumawa ng susunding health and safety protocols, at kausapin ang mga magulang na may agam-agam ukol dito. Magtulungan tayo para sama-sama tayo at tuloy-tuloy at ligtas na makabalik uli sa normal na buhay post-pandemic,” ani Escudero.
Sinabi ng gobernador, na nagbabalik-Senado ngayong Halalan 2022, na dapat hatawin ng mga lokal na pamahalaan ang pagbabakuna sa mga guro at mga batang mag-aaral dahil base sa huling numero, malaking bilang pa rin ng mga guro at tauhan sa mga paaralan ang hindi pa talaga nababakunahan o nakaka-first dose pa lamang.
Nagsabi naman ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases na magdodoble-kayod ito upang mabakunahan siyento porsiyento ang mga batang mag-aral sakto sa target na face-to-face classes anim na buwan mula ngayon.