ESCUDERO PANALO SA LAYLO

 

Ang nagbabalik-Senado na si Sorsogon Governor Chiz Escudero ay hindi natitinag bilang isa sa mga nangungunang kandidato, ayon sa Laylo senatorial survey na isinapubliko noong Martes o kulang dalawang linggo bago ang pambansang halalan sa Mayo 9.

Si Escudero, na nakadalawang termino sa Senado mula 2007-2019, ay rumanggo nang pang-4 hanggang pang-6 sa hanay ng mga kandidato sa pagkasenador matapos siyang piliin ng 39% ng 3,000 ng mga botante na kasali sa national survey na isinagawa ng Laylo noong Abril 14-20.

Ang beteranong mambabatas, na nag-iisang gobernador na kumakandidato para sa Senado, ay dati pang nangunguna sa mga survey ng mga pollster nitong mga nakaraan. Sa pinakabagong Pahayag senatorial survey ng Publicus Asia, na inilabas noong Lunes, nanguna si Escudero sa nationwide survey kung saan sinabi ng 46.8% ng respondents na iboboto nila ang beteranong mambabatas sa panahong ginawa ang survey.

Nauna nang inendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kandidatura ni Escudero para sa Senado dahil sa magandang track record bilang isang beteranong mambabatas na aniya’y napakaimportante sa paggawa ng mahahalagang batas at reporma sa panahong nasasapul ang bansa ng mga hamong dulot ng pandemya. Ang kanyang anak na si Davao City Mayor at vice-presidential candidate Sara Duterte-Carpio ay personal na sinusuportahan ang pagbabalik-Senado ni Escudero.

Ang mga tambalan nina Vice Pres. Leni Robredo at Sen. Francis Pangilinan; Sen. Ping Lacson at Senate Pres. Tito Sotto; at Sen. Manny Pacquiao at Rep. Lito Atienza ay kinuha rin sa kani-kanilang senatorial slates si Escudero.

Ang League of Provinces of the Philippines ay isinama rin si Escudero sa listahan nito ng iniendorsong anim na kandidato sa pagkasenador sa halalan sa Mayo 9 habang nag mga alkalde mula sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) at Eastern Samar na nabibilang sa League of Municipalities of the Philippines o LMP ay nag-endorso rin para sa kanyang balik-Senado.

Ang dating senador ay sinusuportahan din ng mga party-list group na kinabibilangan ng Ang Probinsyano, Ang Kabuhayan, Agimat, An Waray, ARISE, BHW, Kusog Bikolano, KAPUSO-PM, Makabayan, at Uswag Ilonggo, at pati ng grupo ng kabataang Pilipino na Nationalist Social-Democratic Society.

Ang pinakamalaking non-government organization sa bansa na Federation of Free Farmers, na may 200,000 miyembro, ay naghayag na rin ng pagsuporta sa kampanya ni Escudero.

Lumilitaw rin na gustong-gusto manalo ng mga estudyante ang dating senador para sa karera sa Senado na makikita naman sa mga resulta ng mock elections na isinagawa ng hindi bababa 36 kolehiyo at unibersidad sa buong bansa.