GOOD MORNING WORLD

 

GLENN RAY ROLUNA (GRR): Senador Chiz, good morning. Maayong buntag.

GOVERNOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Glenn, magandang umaga sa iyo at sa lahat ng listeners natin sa buong lalawigan. Magandang umaga po sa inyong lahat. Maayong buntag. Good morning. Kumusta ka na Glenn.

GRR: OK lang, Senador. Governor, isang buwan mahigit po ang kampanya kumusta naman po kayo, Senador Chiz?

CHIZ: Mabuti naman. Hindi nga lang ako nakakakampanya masyado katulad ng ibang mga kandidato dahil may mga trabaho pa rin akong dapat gampanan dito sa Lalawigan ng Sorsogon. Kaya dalawa hanggang sa tatlong araw lamang sa isang linggo, Glenn, nakakaikot at nakakabisita sa iba’t-ibang lugar sa ating bansa.

GRR: OK po, Senador. Isa po kayo sa personal choice ni Mayor  Sara Duterte sa listahan ng kanyang mga senatorial candidates at talaga namang lagi kang binabanggit. Ano po ang inyong masasabi sa endorsement? At hindi lamang po si Mayor Sara ang nag-endorse sa iyo, pati na rin po si Presidente Rodrigo Duterte.

CHIZ: Nagpapasalamat po ako ng taos-puso kay Mayor Inday Sara gayundin kay Pangulong Duterte sa kanilang pagtitiwala at paniniwala at suporta. Napakalaking bagay po niyan sa aking kandidatura. Lalong-lalo na at halos parang independiyente na akong tumatakbo bilang senador sa muli. Nagkatrabaho, nagkasama at naging magkaibigan kami ni Mayor Inday Sara at Pangulong Duterte noong ako ay nasa Senado pa. At malaking bagay para sa akin- tinatanaw na hindi pa nila nakakalimutan iyon bagama’t matagal na kaming hindi nakakapag-usap ng personal.

GRR: Madalas pa rin po ang power outage dito sa rehiyon. Pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang EO 164 na nagsusulong sa nuclear power kasama na rin po ang Executive Order ang posibleng pag-revive ng BNPP? Pabor po ba kayo dito?

CHIZ: Pabor po ako diyan dahil dapat bukas tayo sa anumang teknolohiya na makakatulong sa atin magbigay ng dagdag sa suplay ng kuryente basta’t ito’y ligtas, basta’t ito’y sumusunod sa itinatalaga ng batas. Hindi lamang ng Pilipinas pero pati mga regulasyon na nanggagaling sa International Atomic Energy Commission ng United Nation. Maraming bansa sa mundo, Glenn, ang may nuclear power. Walang dahilan kung bakit hindi rin tayo magkaroon basta’t ligtas ito at hindi delikado para sa ating mga kababayan.

GRR: OK po, Senador. So, naglabas po ang UN ng isang resolusyon na nagkokondena sa pag-atake ng Russia sa Ukraine. Isa po ang Pilipinas sa mga signatory. Ano po ang implikasyon nito sa bansa at sa ating mga OFWs na nagdesisyong manatili doon?

CHIZ: Glenn, wala akong nakikitang epekto sa OFWs at sa ating bansa dahil hindi naman tayo nagbigay ng pera o armas sa Ukraine para gamitin laban sa Russia. Sang-ayon ako sa ginawa ng ating bansa na bumoto sa UN resolution dahil nanawagan lamang ‘yon ng kapayapaan at itigil ang giyera. Malay natin dumating ‘yung panahon Glenn na tayo naman ang malalagay sa sitwasyon tulad ng Ukraine at kakailanganin din natin ng tulong at suporta, at panawagan ng ibang bansa.

GRR: OK po, Senador. At ito na namang question ko ngayon is medyo patungkol sa mga presyo ng ating mga bilihin. Dahil sa gasolina po senador patuloy ang pagtaas sa presyo ng gasolina, paano po natin maiibsan ang kahirapan na dulot nito?

CHIZ: Maraming puwedeng gawin ang pamahalaan at maraming puwedeng gawin tungkol dito. Halimbawa po, puwede pong bigyan ng kapangyarihan ang DOF at Department of Energy na babaan ang buwis kapag tumataas ang presyo ng gasolina. Kayang babaan ‘yan ng Php3 hanggang Php8 kung gagawin po natin ‘yan.

Ibalik natin ang OPSF o Oil Price Stabilization Fund. Ito ay pondo, Glenn, para ibigay bilang subsidiya sa mga kumpanya ng langis imbes na magtaas sila.  Alam kasi natin kapag tumaas ang presyo ng bilihin, ang presyo ng gasolina, tataas din po ang presyo ng bilihin at kahit bumaba ang presyo ng gasolina, hindi na bumababa ang presyo ng bilihin.

Pangatlo magtatag tayo ng strategic petroleum reserve or stockpile ng langis. Bumili tayo ‘pag mura sa world market, itago lang natin at kapag tumataas ang presyo doon natin ilabas at ibenta sa loob ng bansa para mapanatiling mababa ang presyo.

At pang-apat, pabor po ako na i-review o hindi man i-refill ang Oil Deregulation Law. Maliwanag, hindi po ito tumupad sa kanyang pangako na babaan o pababain ang presyo ng produktong petrolyo.

GRR: OK po, Senador. So inirekomenda ng DOF Sec. Dominguez para sa susunod na administrasyon na magkaroon ng new down of increase, tax increase. Ano po ang masasabi niyo dito?

CHIZ: Hay naku, parang masamang tatay o masamang ama si Sec. Dominguez. Siya ang umutang, siya gumastos, gusto niya magbayad yung susunod na henerasyon o sa kasong ito susunod na administrasyon. Kung kulang talaga ang pananalapi o pera ng gobyerno may ilang pwede silang gawin maliban sa taas ang buwis.

Una, magbenta ng ari-arian na hindi nila kailangan o hindi ginagamit. Pangalawa, i-tap ang pera ng private sector para sa “Build, Build, Build” at infrastructure program. Pangatlo, ayon sa Ombudsman Php600-B ang nawawala sa corruption kada taon sa ating bansa. Kalahati lang nun ang mapigilan natin, kalahati lang nun ang mabawi natin, Php300-B na ito sobra-sobra pambayad sa utang. Malaki pa ang sukli, Glenn, para sa isang serbisyo, tulong at ayuda sa ating mga kababayan.

Pinapangako ko po sa inyo, hindi ko papayagan anumang uri ng pagtaas ng buwis sa panahong ito. Una, dahil sobrang bigat na ng buhay ng tao ‘wag na natin pabigatin pa. Pangalawa, maling estratehiya po yan sa isang ekonomiya at bansang bumabangon mula sa pandemya. Wala pong bansa na gumawa nyan sa buong mundo. Kung saka-sakali, tayo lamang po.

GRR: OK po, Senator Chiz, makabubuting malamn yan ng ating mga kababayan particularmente dito sa Misamis Occidental. Nasa pandemya pa rin po ang ating bansa at gaya ng sinabi ninyo, importante ang economic recovery. Ano po bas a tingin ninyo ang dapat na bigyan ng prioridad ng susunod na Pangulo upang matiyak ang ating pagbangon, Senator Chiz?

CHIZ: Tatlo ang dapat tutukan ng susunod na Pangulo. Hinihintay ko ngang sabihin nila ito sa kanilang mga talumpati. Una, MSMEs, mga maliliit at medium-sized na mga negosyo. 98% ng ating ekonomiya, binubuo ng MSMEs. Kung mapapabangon natin sila, kung matutulungan natin silang magbukas at tumayo muli, 98% ng ating ekonomiya at ating maibabalik, 98% ng mga trabahong nawala ang babalik din. Pangalawa ay agrikultura para po matuluingan ang pinakamahihirap na mga Pilipino na umaasa sa sector na yan. Lalung lalu na para matigil na ang importation na ginagawa ng ating bansa at maging self-reliant ang Pilipinas at pangatlo, ang turismo. Tatlong bagay lamang, Glenn. MSME, agrikultura at turismo. Kung ‘yang tatlong bagay nay an ay tututukan, papalakasin, tutulungan bumangon ng susunod na presidente, babangon din po ang ating bansa.

GRR: Thank you po, Senador. Dito naman po ako sa side ng showbiz life nyo. Abala po kayo sa kampanya, ang misis nyo naman na si Ms. Heart Evangelista ay busy sa showbiz. Kamusta naman po kayong dalawa?

CHIZ: Mabuti naman, Glenn. Maayos at maganda ang samahan naming bilang mag-asawa, ngayon lamang ay hindi kami magkapiling, siya ay nasa Paris, ako’y nasa Sorsogon, siya’y nasa Europa ako’y nasa Bicol Region pero minsan sa mag-asawa maganda na rin ‘yung may LDR paminsan-minsan o long-distance relationship para ‘pag hindi kami magkasama siyempre nami-miss namin ang isa’t isa.

‘Pag nagkita naman kami may sabik at gigil ang aming pagkikita na magkaiba ang mundo naming, Glenn, pero naging maayos para sa amin.  Pag-uwi namin sa bahay ibang kuwento ang dala namin.  Natututo kami sa isa’t isa at yung kagalit niya hindi ko kagalit.  ‘Yung kagalit ko hindi niya kagalit kaya mas naging matatag ang aming relasyon at samahan makalipas ng mahigit pitong taon na ng pag-aasawa.

GRR: OK po.  Nakikita ko nga ‘yung video ni Ms. Heart na yung na hinahanap ka niya palagi, ‘yung sa TikTok video niya.

CHIZ: Nakita ko rin kahapon ‘yun.

GRR: Na-trending ‘yun, Senator.

CHIZ: Ang cute at (inaudible) lang ‘yun lang ang sinagot ko sa kanyang video.

GRR: OK, panghuli na lang, Senador, ano pong mensahe po sa ating mga tagapakinig dito sa Ozamis City at probinsiya ng Misamis Occidental, Senador Chiz?

CHIZ: Sa muli, pagbati sa ating listeners ng sa Ozamis gayundin din ang Misamis Occidental. Karangalan ko po makapiling at makasama kayo sa umagang ito.  Sa hindi malayong hinaharap ilang linggo lamang makakabisita kami ng personal, Glenn, diyan sa inyong siyudad at lalawigan.  Ang akin pong panawagan at kahilingan sana ay ito: sana huwag po sana nating sayangin ang ating kapangyarihan at karapatan pumili at piliin ang lider na may kakayahan.  Kakayahang magbigay ng siguradong direksyon at siguradong solusyon sa mabibigat na problema na kinakaharap natin sa ngayon.  Hindi po ito panahon para mag-aral o mag-eksperimento.  Panahon po ito ng agarang aksyon at ‘yan po ang aking inaalay sa muli kong pagbalik sa Senado.  Sa muli kong pag-apply bilang inyong kinatawan at bilang miyembro ng Senado.  Dalangin ko po at hiling ko ang tulong at suporta.  Sa muli, Glenn, maraming salamat sa iyo at pagbati na lamang sa ating mga listeners muli.  Thank you and good morning, ingat ka palagi, Glenn, keep safe.