GARY LUMAWAG (GL): Makakapanayam po natin ngayon ang isang kilala at batikang two-term senator na ngayon ay governor ng Sorsogon sa Bicol Region. Noong siya ay senador, naipasa ang Universal Healthcare Act, libreng matrikula sa State Universities and Colleges at exemption ng minimum wage earners sa pagbayad ng buwis. “Kay Chiz Escudero, Sigurado.” Let’s welcome, Senator este Governor Chiz Escudero. Magandang araw po, magandang hapon.
GOVERNOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Gary, magandang hapon sa iyo. Sa lahat ng listeners natin ng MAX FM sa Koronadal at buong lalawigan ng South Cotabato. Maayong hapon! Good afternoon! Kumusta ka na, Gary?
GL: Yes, OK lang, Governor. So far dito sa South Cotabato medyo maulan. Well, anyway, Senator Chiz in a month and a half, kumusta naman ang takbo ng inyong kampanya at paglilibot sa bansa?
CHIZ: Maayos naman, Gary, salamat sa pagtanong. Pero alam mo dalawa hanggang tatlong araw lamang ako nakakapagkampanya kada linggo dahil mayroon pa rin akong trabahong dapat gawin bilang gobernador ng aming lalawigan. Sa katunayan nandito ako ngayon sa Sorsogon, Gary.
GL: OK, Senator, but anyway, isa kayo sa iniendorso ni Presidente Duterte kahit hindi kapartido dahil mataas ang tiwala niya sa kakayahan ninyo. Ganoon din ang anak niyang si Inday Sara na ikinakampanya kayo. Ano po ang masasabi ninyo ukol dito?
CHIZ: Alam mo, nakakataba ng puso at taos puso akong nagpapasalamat kay Pangulong Duterte at kay Mayor Inday Sara sa kanilang walang kapantay na pag-endorso. Malaking bagay ‘yan sa aking kandidatura lalong-lalo na mag-isa lang naman akong umiikot at parang indipendente ang aking kandidatura ngayon.
GL: OK. Tama po kayo, Senator, but anyway, consistent po kayo na mataas sa mga iba’t ibang surveys, number one kayo sa recent Publicus Asia. Ano po ang masasabi Ninyo, Senator?
CHIZ: Sana magpatuloy po pero alam mo, Gary, boto lamang sa survey ‘yan. Ang binibilang pa rin ay boto sa araw ng halalan. Ika nga nila, sinuman man ang mataas o mababa sa survey basta tuloy-tuloy lang ang pangangampanya’t pagtatrabaho dahil number 1, number 2, number 5, number 8 basta pasok sa top 12 pare-pareho lang naman, Gary, ang suweldo niyan, pare-pareho lamang naman ang tawag puro senador naman ‘yan.
GL: Korek, Senator but anyway, karamihan sa mga local officials kabilang na ang mga gobernador nag-anunsyo na ng kanilang mga susuportahang mga kandidato. Kayo po may idedeklara rin ba kayong susuportahan sa pagkapangulo at bise presidente?
CHIZ: Pagdating ng panahon Gary oo kaya lang bilang ama ng probinsya gusto ko muna makilala ng aming mga kababayan lahat ng kumakandidato kaya binuksan ko ang aming lalawigan para i-host namin lahat ng tumatakbong presidente para sa gayon walang ma-pressure sa aming mga kababayan galing kanino lalo na galing sa kanilang gobernador hanggang makilala muna nila lahat ng tumatakbo. Utang ko ‘yan at bahagi ‘yan ng trabaho ko, Gary.
GL: OK, maraming salamat, Senador, but anyway, Senador, sa ngayon isa sa mga problema nating mga Pilipino walang humpay pa rin na pagtaas ng presyo ng gasolina. Ano po ba ang puwedeng gawin bukod sa pagbibigay ng ayuda?
CHIZ: Ako ang mangunguna sa pag-repeal ng Oil Deregulation Law, Gary. Hindi tumupad ‘yan sa pangako niya na papababain ang presyo at saan ka ba nakakita ng batas na ‘yung mayamang may-ari ng gasolinahan, puwedeng magtaas ng presyo kahit kailan niya gusto. Samantalang ‘yung pobreng jeepney at tricycle driver, kailangan pang humingi ng permiso sa LTFRB o sa LGU bago magtaas ng singil. Hindi ba dapat kung puwede ang mayaman, mas puwede ang mahirap? Kung bawal ang mahirap, mas bawal dapat ang mayaman. Ika nga ng kasabihan ng prinsipyo sa batas, “those who have less in life should have more in law”. ‘Yung mas kapos-palad at naghihirap nating kababayan dapat mas may karapan sa ilalim at sa pamamagitan ng batas.
GL: Thank you, Senador. Isa pa Senador, sa ngayon ‘yung kaso natin sa COVID. Humupa na ang COVID cases sa bansa pero nananatiling mabagal ang vaccination booster shots at 13% at marami raw sa mga bakuna ay mag-e-expire na sa June, sayang naman ito, Sir. Panahon na ba na gawin itong mandatory vaccination?
CHIZ: Mas naniniwala ako, Gary, na magkumbinsehan tayo imbes na magpilitan tayo. Mas naniniwala ako magbigay tayo ng incentive kaysa magbigay tayo ng parusa sa ayaw magpabakuna dahil sa dulo EUA pa rin ito. Emergency Use Authorization lamang at lahat na EUA na mga droga at bakuna sa aking paniniwala, hindi po pupwedeng mandatory. Kaya ulitin ko Gary, magkumbinsehan tayo ‘wag tayong magpilitan.
GL: Tama po. Dagdag na tanong lang, Senador. Ilang linggo na lang matatapos na ang kampanya hindi niyo pa nakasama ang inyong asawa na si Ms. Heart. Umaasa ang mga taga-suporta ninyo na masilayan kayong dalawa. May plano po ba?
CHIZ: Gary, balak naming mag-ikot. Si Heart malilibre yata sa trabaho niya itong Abril pa lamang pero magkaibang lugar ang pupuntahan namin para mas marami kaming marating na lugar at probinsya sa ating bansa. Tsaka, Gary, kapag nagpunta ako diyan sa Max FM kasama si Heart, baka si Heart lang ang pansinin mo hindi mo na ako pansinin. Tanggap ko naman na mas kilala at sikat ‘yung aking asawa. So at least solo niyo na lang siya kung siya ay pupunta diyan.
GL: OK, Senador. Senador, gusto ng mga taga-South Cotabato ngayong hapon medyo maulan, any message po para sa taga-South Cotabato.
CHIZ: Well, hiling at dalangin ko po ang inyong kaligtasan sa kabila ng pag-ulan na nagaganap diyan ngayon, sana maging ligtas po ang lahat. At hiling ko din po sana ang inyong tulong, suporta at paniniwala at pagtitiwala sa aking muling pagharap sa dambana ng balota para tumakbo bilang miyembro ng Senado. Para maging kinatawan ninyo, tagapaghatid ng boses at tigapagtanggol po ninyo. Ang aking iniaalay, Gary, anumang talino, talento, galing at karanasan mayroon ako para makapagbigay ng siguradong direksyon at siguradong solusyon sa mabibigat na problemang kinakaharap natin sa ngayon. Sa muli Gary maraming salamat sayo at pagbati sa ating mga listeners. (speaks in local language) Thank you and good afternoon. Ingat ka palagi, Gary.
GL: Thank you very much, Senador, sa panahon dito po sa Max FM Koronadal. Magandang hapon sa inyo.