HOST (H): Magandang araw sa ating lahat. Ngayong araw, atin pong makakapanayam ang isang kilala at batikang 2-term senator na ngayo’y gobernadora ng Sorsogon sa Bicol Region. Noong siya ay senador naipasa ang Universal Health Care Act at libreng matrikula sa state universities and colleges at exemption ng minimum wage earners sa pagbabayad ng buwis. Kay Chiz Escudero, sigurado! Let’s welcome Senator, este Governor Chiz Escudero dito sa ating probinsya. Magandang araw po Apo Senador.
GOVERNOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Magandang umaga din sa inyong lahat. Sa lahat ng ating mga listeners ng 94.1 Magic FM gayundin DWRS Commander Radio at 99.7 Core FM i-sentro mo. (Speaking in dialect), good morning kamusta na kayong lahat.
H: Okay na po. Yung pagbati niyo po sa ating mga kababayan dito po sa-
CHIZ: Sa muli, sa ating mga listeners dito sa Vigan at sa buong lalawigan ng Ilocos Sur, karangalan kong muling makabalik at makabisita matapos ang pandemya mahigit dalawang taon ng lumilipas. At karangalan ko rin na bigyang linaw ang ilang issue na kinakaharap natin ngayon bilang isang bansa.
QUESTION (Q): Senator, halos nangangalahati na po ang campaign period. Kamusta naman po ang inyong paglilibot di sa ating-
CHIZ: Mabuti naman pero hindi tulad ng ibang kandidato na araw-araw pwedeng mangampanya, ako dalawa hanggang tatlong araw lang sa isang linggo pwede mangampanya dahil nananatili akong gobernador ng aming lalawigan sa Sorsogon at hindi ko pwedeng talikuran yung aking tungkulin at sinumpaang obligasyon na tumayo bilang ama pa rin ng aming lalawigan. Kaya kapag nakakasama ko yung ibang tumatakbo sa pagka-senador, napapasana all ako sa kanila na nakakakampanya araw-araw na ginawa ng diyos sa isang linggo.
Q: Senator, consistent kayo na mataas sa iba’t ibang surveys halos tiyak na ang inyong panalo. Ano sa mga karanasan mo bilang gobernadora ang maari niyong madala at maging adbokasiya sa pagbabalik senado.
CHIZ: Una sa lahat, survey lamang naman yun ang boto pa rin sa araw ng eleksyon ang binibilang kung sino ang mananalo. So sino man ang mabababa, sino man ang mataas dapat tuloy tuloy lang sa pangangampanya at paghatid ng kanilang mensahe. Sa parte ko kung may isa akong natutunan bilang gobernador; ýan ay ito na dapat tigilan na ang pakikialam at panghihimasok ng national government sa mga kapangyarihan at karapatan ng LGU probinsya man, munisipyo o siyudad lalo na pagdating sa awtonomiya.
Halimbawa, alam niyo ba na kapag ka-nagpasa ng budget ang probinsya, malalaman ni Manong Jerry ýan ‘pag siya ang nag gobernadora na. Pagpasa ng budget ng probinsya inaprubahan na ng Sangguniang Panlalawigan. Aba’y kailangan pang i-review at aprubahan ng DBM. ‘Pag ayaw pumayag ng DBM hindi ‘yan pwedeng gastusan ng probinsya gayundin sa mga siyudad. Mali yata ‘yon. Internal revenue namin ‘yan. Local revenue namin ‘yan. Wala dapat pakialam ang national government. Malayong mas alam ng governor, malayong mas alam ng mayor kung ano ang dapat at kailangan gawin sa kanilang lugar kumpara sa sinumang national government official gaano man kalawak ang kanyang karanasan, gaano man siya katalino. Kung nakaupo lamang siya sa kanyang opisinang malamig sa Maynila, ni hindi tumatayo para dungawin man lamang o bisitahin tayo.
Aba’y paano niya malalaman kung ano ang dapat gawin sa ating mga lalawigan at siyudad. Dagdag pa diyan pati itong mga alert levels dapat LGU na ang nagdedesisyon. Sa Sorsogon halimbawa, mahigit isang linggo na kaming zero COVID cases. Awa ng Diyos, Alert Level 2 pa rin kami. Tinalo pa kami ng NCR na Alert Level 1 na samantalang may mga kaso sila. Itong mga bagay na ‘to dapat binibigay na sa lokal na pamahalaan ang pagpapasya at pagdedesisyon. Kaya sa muling pagtakbo ko bilang senador, nais kong mag-apply bilang kampeon, bilang champion ng lokal na pamahalaan at local autonomy.
Q: Sir, sa Ilocos region it’s a tobacco producing in the country. May panukala po na itanong muna sa Department of Finance na sinasabi na dapat buwisan pa, taasan pa ang buwis ng tabako? Ano po ang mensahe niyo sa mga magsasaka?
CHIZ: Hindi ko papayagan anumang pagtaas ng buwis kung makakabalik ako sa Senado. ‘Yan ay pinapangako ko sa simpleng dahilan. Sa sobrang hirap na ng buhay ngayon dadagdagan pa ba ng gobyerno ang buwis. Sa buong mundo walang gobyerno o bansa na nagtaas ng buwis sa kagustuhan nilang makabangon ang kanilang ekonomiya mula sa pandemya. Maling estratehiya ‘yan. Ang problema ko kay Secretary Dominguez sa Department of Finance, para silang masamang tatay o masamang ama. Sila umutang, sila gumastos ng inutang, ang gusto ang magbayad yung susunod na henerasyon at susunod na administrasyon. Mali yata ‘yon. Kung kulang talaga ang pananalapi ng gobyerno, ang dapat nilang gawin ay ilan sa mga sumusunod. Una, magbenta ng ari-arian ng gobyerno na hindi kailangan at ginagamit.
Pangalawa, i-tap ang private secret sector sa pamamagitan ng PPP o BOT para hindi gobyerno palagi ang gumagastos sa lahat ng bagay. Ang elevated highway ng Edsa sa Metro Manila ay private sector ang gumawa hindi naman gobyerno. Ang pinakamahabang tulay na ginagawa sa bansa ang tulay sa Cebu at yung prino-propose na tulay na magkokonekta sa Matnog, Sorsogon at Allen, Samar pribado rin ang gagawa.
Pangatlo, ayon sa Deputy Ombudsman for Luzon ang nawawala raw sa korapsyon kada taon ay P600 billion. Kalahati n’un mababawi natin, kalahati n’un mapigilan natin tatlong daang bilyon iyon. Sobra-sobra pambayad sa utang malaki pa yung sukli para sa dagdag ayuda, dagdag suporta, proyekto’t programa ng pamahalaan.
Q: Painit na painit kasing init ng panahon ang mga tanong. On a lighter note tayo.
Sir sa dami ng ginagawa sa Sorsogon at may mga campaign sorties pa po kayo. Kumusta naman po kayo ni Ms. Heart Evangelista?
CHIZ: Okay naman. Salamat sa pagtanong. Maayos at maganda ang relasyon namin makalipas ang pag nagkamali ako rito yari ako..pitong taong pagkakakasal. Magkaiba ang mundo namin inaamin ko kaya noong isang buwan siya ay nasa Paris. Ako naman nag-iikot sa Kidapawan, Gen. San. at Cotabato City. Siya nasa Europa ako’y nasa Mindanao. Maganda na rin magkaiba ang mundo namin at least pag-uwi namin sa bahay pagnagkita kami magkaibang kwento dala namin. Natututo ako mula sa kanya; natututo naman siya mula sa akin at yung kagalit niya hindi ko kagalit. Yung kaaway ko hindi niya kaaway. Kung masama araw baka naman maganda ang araw ko, ako ang magpapangiti sa kanya. Kung masama yung araw ko, baka naman maganda yung araw niya. Siya naman magpapangiti sa akin. May kasunduan kami bago pa kami kinasal. Kailanman hindi papasok si Heart sa mundo ng politika. Ako kahit hindi niya hiniling nangako na rin ako para may masabi lang kailanman hindi rin ako papasok sa showbiz kahit walang tumatanggap man sa akin doon.
Q: Between Heart and you ano yung medyo noong last pagkikita ninyo? Ano yung naging kwentuhan ninyo na talagang nakapag-bonding kayo?
CHIZ: Kaninang umaga pa lang nung gumising ako, gumising din kasi siya. May procedure lang na pinagdaanan si Heart kahapon kaya sinamahan ko siya sa ospital. Medyo nagrerecover pa siya mula doon. Dahil puwede na siya ulit dahil matapos niyang makunan 2 years ago puwede na kami sumubok gumawa ng baby. Ang hiling lang niya sana raw kamukha niya. Kasing talino ko lang daw pero dapat kamukha niya. Sumusubok na ulit kami dahil itong nagdaang taon hindi puwede pa at hindi papuwede. Kaya hanggang praktis lang kami nitong nagdaang dalawang taon.
Q: Senator napanood natin yung post ni Ms. Heart sa Instagram niya I missed Chiz, sabi niya at sa inyong dalawa kumusta ang lovelife.
CHIZ: Maayos, maayos naman, masaya. Wala akong reklamo. Sana sya, wala ring reklamo. Nung ginawa nya yon, sya ay nasa Paris dahil sa trabaho. Magkaiba nga ang mundo namin gaya nga ng nasabi ko. Ang trabaho nya, nasa Europa. Ang trabaho ko, nasa iba’t-ibang sulok ng Pilipinas at bawat barangay ng lalawigan ng Sorsogon pero sa gitna naman, nagkikita pa rin at nagkakasama pa rin at nagiging mas maayos nga siguro kung magkaiba kami ng mundo.
Q: Eto po senator, lahat po ng mga pulitiko at kandidato, nagsasabi, mga kandidatong may puso pero literally, kayo po is, you are a governor with a Heart Evangelista.
CHIZ: Biro ko yan palage. Walang pwedeng magsabi na wala akong puso dahil may heart ako, may picture pa ko para patunayan yon. Hahahaha.
Q: Ok, ay sir, since kayo po ay isa sa mga nagsulong sa free education sa mga tertiaries, ano pa pong hakbang ang gusto pa ninyong isulong, mapapalawig po ba ito? Mapapalawak?
CHIZ: Dapat palawigin yung isang aspeto nyan. Libre na ang college education sa lahat ng State Universities and Colleges pero may aspeto yang batas na yan. Ang tawag nila’y TES. Tertiary Education Subsidy. Ito ay pambayad sa tuition at pambigay allowance sa mga nag-aaral ng kolehiyo sa pribadong eskwelahan. Hindi naman lahat ng kurso kase inaalok ng State Universities and Colleges kaya nilagyan namin ng ganyang probisyon, pambayad sa tuition sa private school at allowance ng mga bata na nag-aaral sa private school.
Mayroong ganu’ng aspeto iyang batas na ‘yan na marami ang hindi pa nakakaalam. Maraming hindi pa nakakabenepisyo at hindi pa ganun kalaki din ang pondo na dapat palawigin po natin. Halimbawa, hindi naman lahat ng State Universities and Colleges, maliban sa iilan ang may kurso sa medisina, ang may kurso sa pagnu-nurse. Pribadong eskwelahan lamang ang nag-aalok nyan. Meron nang probisyon sa batas sa Free Tertiary Education Act na pwedeng makinabang pa rin ang estudyanteng nag-aaral ng anumang kurso sa pribadong eskwelahan.
Q: Sir, tumaas ng 90% itong learning poverty natin, ano itong learning poverty sir?
CHIZ: Dahil sa pandemya. Hindi naman totoo ang blended learning sa Pilipinas. Totoo lamang ang blended learning, modular at internet sa mga siyudad na malakas ang internet. Sa malalayong lugar, purely modular yon at paano matututo ang estudyante kung halimbawa, mas mataas na yung grade ng estudyante sa naabot na pag-aaral ng kanyang magulang?
Matagal ko nang isinusulong, payagan ang face to face classes dahil dehado, lugi ang mga bata sa mga malalayong lugar na walang internet. Sa Sorsogon, August 2020 pa lamang, gusto ko nang mag-face to face. Ayaw kaming payagan ng DepEd.
Bakit ayaw pumayag? Hindi ko alam. 541 barangays ang Sorsogon. 52% ng mga barangay namin mula ng magsimula ang COVID hanggang ngayon ay hindi pa nagkakaroon ng kahit isang kaso ng COVID. Bakit hindi papayagan iyong face to face doon samantalang iyong teacher ay nakatira naman doon sa barangay. So, possible ang bubble face to face classes sa mga barangay. Lalo na sa malalayo para hindi naman dehado ang mga estudyante at kabataan natin.
Q: Bago po nagpandemya ay naipasa ninyo na po Universal Health Care Act, pakibalitaan ninyo po kami.
CHIZ: Nanguna ang lalawigan ng Sorsogon sa pagpapatupad ng Universal Health Care Act. Kami ang may pinaka-advance na health care system na sumusunod sa itinatalaga ng UHC. Last year pa lamang, ‘no balance billing’ na ang lahat ng ospital naming.
Sinuman ang maospital ay walang babayaran. Sa loon ng taong ito makakapagbigay na kami ng libreng maintenance medicines at vitamins sa hypertension, may diabetis, buntis, nagpapasuso at 0-5 na mga bata na may asthma. So, iyong mga bibigyan namin ng maintenance medicine halimbawa sa diabetis at sa hypertension- specific iyon sa brand ha- na bagay s aiyo at reseta sa iyo ng doctor. Dahil ang hypertension at diabetes ay iba-iba iyan sa iba’t-ibang tao. Magagawa na namin iyan sa taon na ito.
Dumaan kami sa butas ng karayom. Nahirapan kami, marami kaming pagkakamaling ginawa. Pero, matapos naming magawa ito bilang modelo- bilang prototype- mas madali nang magagawa ito sa iba’t-ibang lalawigan sa ating bansa matapos ang taong ito.
Q: Sir, madagdag ko lang, pabor po ba kayo sa mandated vaccination na nangyari ngayon?
CHIZ: Hindi. Dahil labag iyon sa prinsipyo ng batas na EUA pa lang iyan. Anumang EUA -ibig sabihin Emergency Use Authorization na gamot o bakuna, hindi puwedeng i-mandate. Para sa akin, imbes na magpilitan tayo, magkumbinsihan tayo. Imbes na maglagay tayo ng parusa, magbigay tayo ng incentive para magpabakuna.
Ang Sorsogon sa ngayon ay mataas ang national average. Nasa 78% vaccinated na kami. Nang walang pilitan, ng kumbinsihan, ng walang parusa. Insentiba ang ibinigay namin. Pero, kung mapapansin ninyo kapag tumataas ang kaso ng COVID- kapag may surge, marami ang nagpapabakuna. Kapag mababa na naman, parang ayaw na namang magpabakuna ng ating mga kababayan.
Siguro ganun na lang talaga ‘yun, dapat unawain naton hangga’y hindi pa tapos ‘yung lahat ng clinical trials sa bakunang ito. Halimbawa, sa buntis hindi pa naman natin alam ang epekto dahil kailangan mo maghintay ng siyam na buwan, kailangan mo tignan kung kamusta ang bata, so dapat kada OB, kada pasyente, kada nanay magpapasya para sa sarili niya kaugnay nito.
Q: Sir, dagdag ko pa, tungkol sa National Government na nakalaan na pondo na P435.5 billion para po sa build, build, build…
CHIZ: para sa?
Q: Build, build, build, sir program. Paano natin masisimulan dito sa Mindanao, dalhin dito sa mga karatig na regions, sir?
CHIZ: Alam niyo ang total budget ng DPWH ay 840 billion, ang total budget ng Department of Agriculture ay 80 billion, wala pang 10 porsyento ng budget ng DPWH ang budget ng Department of Agriculture. Ano ba tayo? Bansa ba tayo ng construction o bansa ba tayo ng agrikultura? Para sa akin ang dapat palakihin pondo para sa agrikultura. ‘Yung build, build, build dapat magpatuloy pero dapat ilayo, tigilan na ang NCR, tigilan na ang CALABARZON, ilagay na natin sa mga malalayong lugar na matagal nang hindi nakakaramdam, nakakatanaw, nararamdaman ‘yung malasakit ng national government kaugnay sa programa’t proyekto.
Sa aming lalawigan ang ginawa naming ay ito, gumawa na kami ng checklist galing mismo sa amin na mga kailangan gawin, ano mang pondo ng national government na dadalhin sa aming lalawigan, pumili sila sa mga nilista na naming at nilagay naming sa Annual Investment Program, upang sa gayon hindi ‘yung gagawa na naman sila ng proyekto na hindi naman naming kailangan sa aming probinsya. ‘Pag pumili sila mula sa menu naming tiyak namin makikinabang ang tao at para sa tao talaga.
Q: Senador, ‘yung huling mensahe naman po sa ating mga kaprobinsya dito sa Ilocos Sur?
CHIZ: Sa muli, karangangalan ko makabalik at makabisita dito sa Vigan at sa lalawigan ng Ilocos Sur. Hiling at dalangin ko po ang inyong tulong, paniniwala, suporta at pagtitiwala sa muli kong pagharap sa dambana ng balota at sa pagtakbo ko bilang miyembro ng Senado, para magsilbing kinatawan, tagapagtanggol at tagapaghatid ng boses Ninyo sa Senado. Ang akin inaalay, ano man talion, talent, galling o karanasan na meron ako para magbigay ng siguradong direksyon at solusyon sa mabibigat na problemang kinakaharap natin ngayon bilang isang bansa at bilang isang lahi. Sa muli, pagbati na lamang sa ating mga listeners sana tama ang pagkakasabi ko, agyamanak tun naimbag nga bigat kadakayamin. Thank you and good morning!