DJ PAPA RED (DPR): As usual po, salamat po sa pagkakataon na makasama namin kayo and thank you sa regular mong pakikipag-ugnayan sa atin pong mga Mindoreños.
GOVERNOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Karangalan ko palagi, Red, Randy, sa ating mga tagasubaybay ng Kalahi FM. Karangalan ko na personal makabalik dito sa inyong lalawigan, partikular sa Calapan at dalangin ko palagi na maging kabuluhan ang ating pagpapalitan ng pananaw tuwing tayo ay nagkakausap. Personal man tulad ngayon o sa pamamagitan ng himpapawid.
DPR: Maraming salamat sa mabilis na pagresponde ng pag-iipon ng impormasyon. Direkta na po tayo. Pagbalik ninyo sa Senado, kayo po ay malaki ang magagawa sa lokal na pamamahalaan, siyempre dito sa Oriental Mindoro at sa buong kapuluan, Sir.
CHIZ: Bilang gobernador, marami akong naranasang mga bagay-bagay na hindi ako sang-ayon na hindi nararapat. Madalas ang nasyonal na pamahalaan nakikialam at itinatali ang kamay ng mga lokal na pamahalaan ng local city executive. Sa paniniwala ko ang mas alam ang kailangan at dapat gawin sa kanikanilang lugar kumpara sa sino mang kalihim o presidente man na nandoon lamang sa Maynila nakaupo sa opisina na hindi tumatayo para tanawin at tingnan lamang ang ating kalagayan mula sa malalayong lugar. Layunin ko, bigyan ng buwelo ang mga lokal na pamahalaan.
Halimbawa, bawasan ang regulasyon na nagmula sa DILG, DSWD, DOH, Civil Service, COA, BLGF, lalo’t lalo na pagdating sa IRA at locally-generated sources of revenue – atin ‘yan. Wala dapat pakialam ang national government kung paano natin gagastusin ‘yan. Magkamali man tayo, kung ninakaw, ‘di kasuhan. Kung hindi ginastos ng tama at tunay sa kailangan ng tao, ‘di matatalo siya sa darating na eleksyon pero parang sabihin nilang mas alam nila ang dapat gawin sa isang lugar, mali naman po yata yun.
Ang budget ng probinsya halimbawa- wala sa batas ito nasa regulasyon lamang- kailangang aprubahan ng DBM. May gusto kaming i-create na opisina sasabihin ng DBM bawal. “Hindi ninyo puwedeng gawin iyan.” Pera namin iyan. May gusto kaming bilhin, may gusto kaming programa, kailangan muna nilang aprubahan bago namin mapatupad. Bagaman sariling pera namin ang gamit namin.
Ngayon, kung grant o subsidy ‘yan galing sa national government, ‘di sige susunod kami sa menu pero kung pera namin ‘yan tulad ng IRA at local taxes hindi na dapat pinaghihimasukan ng national government iyan.
DPR: So, ibig sabihin magkakaroon ng power to decide ang LGUs?
CHIZ: Na dapat lang naman dahil sa komite ko. Ang basehan ng lohikang iyan ay mas alam ng LGU ang kailangan gawin at kailangan ng kanilang mga kababayan kaysa sinumang national government official na baka ni hindi pa nakakapunta sa mga lugar natin.
DPR: Gov, Red Javier po mula sa DWXR 101.7 Calapan City. Gov, sa datos po meron po tayong 380 OFWs sa Ukraine. May update po ba kayo sa pananawagan ninyo noong isang linggo may evacuation flights para sa kanila?
CHIZ: May ilan ng nakalikas pero nahuli ang gobyerno sa paggalaw dito. Noong ipinanawagan ko ‘yan, hindi pa nagsisimula pa ang giyera pero napipinto na ang giyera. Alam ng lahat na maggigiyera na pero hindi agad gumalaw ang DFA, OWWA, at DOLE.
Sa araw na ito, ubos na halos lahat ng airport at paliparan ng Ukraine. Binomba na ng Russia kaya kung may ililikas tayong mga kababayan natin kailangan muna nilang tumawid ng Poland o Belarus para makalipad palabas ng lugar na yun.
Nagkakalat kalat na rin ang mga Pilipino dahil nagbobombahan na sa Ukraine. Sana ang panawagan ko wag mapagod, huwag sumuko at tuloy tuloy lang ang ating mga embahada run na hanapin ang ating mga kababayan. Tiyakin ang kanilang kaligtasan at mapauwi sila dito sa ating bansa at ng mabalik sila sa kani kanilang mga pamilya at mahal sa buhay.
DPR: Senator, doon sa part na iyon. Pananaw niyo bilang isang mahusay na mangbabatas sa tingin nyo sapat po- kumbaga yung response ng pamahalaan natin pagdating sa issue na ‘yun?
CHIZ: Laging kulang. Sa katunayan ngayong araw na ito pa lamang ang meeting ng administrasyon kapiling ang mga opisyal sa mga pamumuno ni pangulong Duterte. Pang-pitong araw na ng giyera. Siguro nga bago pa nagsimula pa ang giyera ay naghanda na tayo. Ngayong nasa kalagitnaan na tayo ng giyera sa Ukraine. Pero huli man dapat magaling, huli pa rin. Mabuti na rin ‘yon kaysa abutin pa ng ibang buwan bago pa gumalaw.
DPR: Yes po. Doon sa pag ‘yes’ ng Pilipinas tungkol po doon sa resolution. Any reaction?
CHIZ: Sang-ayon po ako doon at ipinanawagan ko iyon. Wala akong nakikitang epekto niyan sa ating mga kababayang nandun dahil wala naman tayong pinapadalang armas sa Ukraine para makipaglaban sa Russia. Hindi tulad ng ibang bansa. Wala rin tayong binibigay na pera pero importante para sa akin bilang Pilipino at mamamayan ng mundo na kumampi tayo sa mga bansa na nagsusulong ng kapayapaan. Labanan natin at kundinahin natin ang mga bansa na nagpapakita ng aggression at gayundin nakikipaggiyera sa mga mapapayapang bansa.
Hindi natin alam baka dumating ang panahon tayo naman ay nasa parehong kalagayan ng Ukraine. Nilulusob ng mas mayaman at mas kapangyarihan na bansa. Gusto ba natin wala man lang sumuporta, tumulong, o kumampi sa atin? Ika nga, manalamin tayo palagi dahil baka mapunta tayo sa parehong kalagayan tapos magrereklamo tayong walang pakialam ang ibang bansa? Huwag din tayong maging walang pakialam dapat sa mga oras na ito.
DPR: Sa usaping giyera pa rin tayo ng Ukraine at Russia. Sa issue po na walang pagtigil ang pagtaas ng langis, ano po ang magagawa natin sa tingin ninyo,? Ano po kaya ang long term plan para maiwasan ang hinaharap?
CHIZ: Ang long term plan para dito ay dalawa. Una, ibalik ang OPSF. Ang OPSF ay isang mekanismo ng panahon ng dating pangulong Marcos. Ang tawag jan ay Oil Price Stabilization Fund. Nag-ipon tayo ng pondo, naglagay tayo ng pondo para ibigay na subsidiya sa mga may ari na kumpanya ng langis para kapag tumataas ang presyo sa pandaigdigang merkado ‘yung subsidiya ang pipigil sa pagtaas ng presyo dito. Ang pangalawang pwede nating gawin, tulad ng ginagawa sa ibang bansa ay ang pagkakaroon ng strategic petroleum reserve. Ano pong ibig sabihin nun?
Habang mura ang presyo o kapag mura ang presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado bumili tayo, mag-imbak tayo, mag-stockpile tayo. Para kapag dumating ‘yung panahon na kailangan na tumaas yung presyo ibenta natin sa murang halaga sa kuha natin para mabababa ‘yung presyo sa mga panahon na tumataas ang presyo ng produktong petrolyo.
Ginagawa na yan sa ibang bansa. Wag na tayong magdunong dunungan pa. Puwede naman tayong kumopya sa ginagawa nila. Pabagayin lamang natin sa sitwasyon nating magandang gawin para sa ating bansa. Nasa interes ng ating bansa ‘yan.
DPR: Gov, doon sa part na ang isang Governor Chiz Escudero ay nasa LGU pero kapag kayo ay nag-react sa isang issue parang ramdam ang buong bansa.
CHIZ: Grabe naman. Hindi naman.
DPR: Yes po, yes po.
CHIZ: Minsan lang. Minsan minsan lang pero nadiskubre ko rin, Randy, anumang poblema namin sa aming lalawigan bilang gobernadora, maski magta-tumbling ako, magha-hunger strike pa ako, magsayaw ako, sumigaw ako, ang bagal kumilos ng national government.
Kaya layunin ko sa aking muling pagtakbo bilang miyembro ng Senado, ako na ang magkakampyon o magsisilbing kampyon ng mga lokal na pamahalaan na kung hindi sila dinidinig ng national government, ako na ang magpapalo o magpapaalala. Kakalabit o sisipa kung kinakailangan para makinig at pakinggan ang hinaing ng mga lokal na pamahalaan.
DPR: Opo. Siguro ito lang na ano muna sa survey?
CHIZ: ‘Wag nating ipagkalat baka gayahin din nila. Hindi. Nagpapasalamat ako sa tiwalang ipinapakita ng ating mga kababayan sa survey. Pero survey lamang naman ‘yan. Boto pa rin sa araw ng halalan ng bibilangin. Ang paniniwala ko, sino man ang mataas sa survey, hindi dapat magyabang. Hindi dapat tumigil sa ginagawa niya. Sino man ang mababa hindi dapat mawalan ng loob, hindi dapat magalit.
Tuloy-tuloy lang tayo sa pangangampanya at paghatid ng ating mensahe at plataporma. Sa dulo, tigi-tig-isa isa tayo ng boto pagdating ng halalan. Broadcaster man o gobernador, mayaman man o mahirap, babae man o lalaki, nakapag-aral o hindi, may itsura o wala. Tig-i-tig-isa lang po tayo ng boto pagdating ng May 9, 2022.
DPR: Gov, sa pitong taon niyo pong bilang mag-asawa ni Heart, kumusta po kayo?
CHIZ: Maayos naman. Salamat sa pagtanong. Itong mga nakaraang araw lang medyo LDR kami, long-distance relationship kami dahil kakaalis lamang nya patungong ibang bansa para sa kanyang trabaho. Ako naman ay nasa Oriental Mindoro. Ika nga, pang-international ‘yung asawa ko. Ako panlokal lang ako. Pero minsan sa mag-asawa, maganda rin ‘yung may panahong hindi kayo magkasama para ikanga habang hindi kayo magkapiling namimiss niyo ang isa’t isa at kapag nagkita kayo sa sobrang miss may gigil pa pag nagkita kayo.
Maganda rin na magkaiba kami ng propesyon ni Heart. Siya nasa showbiz, fashion, at iba pa. Ako nasa larangan ng serbisyo publiko. At least, pag-uwi namin sa bahay at magkita kami iba ang dala kong kuwento, iba ang dala niyang kuwento. Kung may problema man ako at wala siyang problema, puwede niya akong pangitiin.
Kung siya naman ang may problema at ako’y wala, well, puwede ko rin siyang pangitiin at ‘yung kagalit niya, hindi ko kagalit. Iyong kagalit ko hindi niya naman kailangang maging kagalit dahil magkaiba ang mundong ginagalawan namin. Natututo pa kami mula sa isa’t isa.
DPR: Gov, last na lang po ito.
CHIZ: Opo.
DPR: Ang aming gobernadora, Governor Bonz Dolor, ay 100% has your support. Actually, ‘yung dumating si Sara Duterte right after, may kuwento lang ako, in-announce niya kayo na suportahan si Senator Chiz Escudero. Si Robin, ganyan. So, ano pong masasabi mo sa nakikita ninyo? Kasi, Gov. kayo, for sure mga kaugnayan kayo doon sa mga obserbasyon ninyo dito sa Oriental Mindoro?
CHIZ: Actually, wala pa akong masabing obserbasyon. Pero, nais kong maiparating ang taos-pusong pasasalamat kay Mayor Inday Sara Duterte sa suportang pinapahayag niya. Gayundin si Governor Bonz sa suporta ring ipinahayag niya. Ka-text ko nga siya kagabi.
Pero, sa aming lalawigan dineklarang open province ang aming lalawigan. Wala pa akong opisyal na ini-endorso dahil gusto ko makita at makilala ng aming mga kababayan ang lahat na tumatakbo sa pagka-presidente at bise-presidente. Binuksan ko para i-host namin, harapin namin, pakilala ko lahat ng opisyal namin sa kanila. Halimbawa, bukas pupunta si Senator Ping at Senate President Tito Sotto sa Sorsogon. Sa susunod na araw- sa March 4 pupunta naman si BBM at ang kanyang slate at iho-host din po namin sila.
Bilang ama ng lalawigan gusto kong makilala ng aming kababayan ang lahat bago ko i-anunsyo ang aking iiindorso para makabuwelo silang lahat. Walang mapipigilan, walang ma pe pressure. ‘Ika nga bukas ang palitan ng impormasyon at kuro kuro kaugnay sa kung sino ang napupusuan talaga nila.
DPR: Pero mukhang sila lahat gustong kayo.
CHIZ: Opo at nagpapasalamat ako pero sa tingin ko positibong bagay ‘yan. Hindi lamang para sa akin. Kung nakikita mong may pinagkakasunduan ang iba’t ibang magkatunggaling presidential candidate, hindi ba magandang bagay ‘yun? Dahil pagkatapos ng eleksyon, isa lang naman ang mananalo. Sana, may pagkasunduan pa rin sila at sana may kasunduan sila para sa ikakaganda at ikabubuti ng ating bansa’t mga kababayan. Ngayon, kung magsisilbing tulay ako para doon, hindi ko tatalikuran ‘yung responsibilidad at trabahong ‘yun.
DPR: Mensahe ninyo po para sa ating mga Oriental Mindorenos?
CHIZ: Sa muli, pagbati at karangalan makapiling muli ang ating kababayan mula sa Calapan City ng Oriental Mindoro. Matagal tagal bago ako nakabisita muli dito pero malaki na ang pinagbago at halos hindi ko na makilala ang inyong lalawigan at siyudad.
Dalangin ko po, na sana maniwala at magtiwala tayo na magwawakas din, matatapos din ang pandemyang ito. Sana, bigyan pa rin tayo ng Panginoon ng sapat na lakas para harapin ang iba pang hamon at pagsubok na maaaring ibato sa atin ng ating tadhana bilang isang bansa at bilang isang lahi. At sa darating na halalan, ang hiling ko huwag sana nating sayangin po ang pagkakataon, kapangyarihan, at karapatan nating pumili.
Pumili at piliin ang mga lider na may kakayahan. Kakayahang magbigay ng siguradong direksyon at solusyon sa mabibigat na problema sa ating bansa na siyang iniaalay ko po sana sa inyo sa muling pagharap ko sa dambana ng balota para maging isa sa kinatawan po ninyo sa Senado.
Sa muli po, pagbati na lamang. Karangalan kong makapiling kayo, Randy, Red at ating mga tagasubaybay sa Kalahi FM at ang ating mga kababayan sa buong lalawigan ng Oriental Mindoro at Calapan City. Magandang araw po at mag-iingat po sana ang bawat isa sa inyo.