KAUNA-UNAHANG CANCER TREATMENT CENTER, ITATAYO SA SORSOGON

 

Pinangunahan ni Sorsogon Governor Chiz Escudero ang groundbreaking ng kauna-unahang cancer treatment center ng probinsiya bilang parte ng kanyang panata na mabigyan ng de-kalidad na mga serbisyong medikal at pangkalusugan ang mga Sorsoganon nang siya’y maging gobernador tatlong taon na ang nakalilipas.

Ang Sorsogon Cancer Treatment Center, na nagkakahalaga ng Php49.5-million, ay pangalawa pa lang sa pasilidad sa buong Bicol region para sa pag-alaga at paggamot sa mga pasyenteng may cancer—pang-apat sa mga pangunahing sanhi ng kamatayan sa bansa nitong nakaraang dalawang taon base na rin sa numero mula sa Philippine Statistics Authority.

“Ang cancer center na ito na pinapangarap ko sa ating lalawigan noon ay maisasakatuparan na rin sa ating pagtutulung-tulungan. When I ran for governor, giving the Sorsoganons world class health facilities and services was on top of my mind,” ani Escudero, na kumakandidato para sa panibagong anim na taong termino sa Senado, sa groundbreaking ng pasilidad.

“Kaya naman ating pinagsikapan na makamit ang lahat ng ito, lalo na ang mga ISO (International Standardization for Organization) certification sa ating siyam na mga public hospitals at pati na ang buong lalawigan,” dagdag ng beteranong mambabatas.

Sinabi ni Escudero, na may natitira na lang na tatlong buwan sa kanyang tatlong taong termino bilang gobernador, na kapag nagawa na ang pasilidad, ang mga mamamayan ng probinsiya ay hindi na kailangang magbiyahe pa sa pinakamalapit na cancer center sa Naga City o sa Maynila para sa radiation at iba pang uri ng paggamot sa cancer.

“Sa mahabang panahon, kailangang pang i-refer ang aming mga pasyente sa ibang probinsiya o sa Manila. Kapag natapos na itong center, hindi na bibiyahe ang aming mga pasyente para lang maalagaan at magamit sila,” aniya.

Nakikita ni Escudero na hindi lang para sa mga Sorsoganon ang itatayong pasilidad kung para rin sa mga mamamayan ng ibang probinsiya sa Bicol tulad ng Albay, Catanduanes, Masbate, at Albay.