GOVERNOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Magnum Jun, magandang umaga sa iyo. Sa lahat ng listeners ng Magnum 45 sa CDO at sa buong lalawigan, magandang umaga po sa inyong lahat. Maayong buntag. Good morning. Kumusta ka na, Jun?
JUN ALBINO (JA): OK lang, Sir. Ikaw, kumusta? Kumusta po kayo? Malapit na ang Halalan. 27 ka araw na lang.
CHIZ: Mabuti naman, Jun. Maraming salamat sa pagtanong. Pero hindi tulad ng ibang kandidato na tumatakbo sa pagka-senador na araw-araw nakakakampanya. Ako ay dalawa hanggang tatlo na araw lamang dahil gobernador parin ako at may tungkulin ako bilang ama ng Lalawigan ng Sorsogon.
JA: OK. Consistent po kayo sa iba’t ibang suveys at palagi kayong nasa top 5. Ano po ang masasabi ninyo dito, Mr. Governor? Sir?
CHIZ: Nakakataba ng puso at nagpapasalamat ako Jun sa lahat ng sumusuporta sa aking kandidatura. Subalit sa dulo, boto parin naman sa araw ng election ang binibilang, Jun. Kaya sinuman ang mataas o mababa sa survey, basta tuloy-tuloy lang dapat ang ating pangangampanya. Para maparating ‘yung ating mensahe sa mas marami nating mga kababayan.
JA: By the way, kayo po ba ay naniniwala sa mga resulta sa survey, Mr. Seantor? Sir?
CHIZ: Oo, Jun. Dahil matagal na akong estudyante ng mga survey at numero sa ilang beses ko ng pagtakbo sa iba’t ibang pwesto sa ating bansa.
JA: Inendorso po kayo ni Pangulong Digong, gayon din kay Mayor Sara at VP Leni. Malaki po ba itong tulong sa inyong kandidatura Mr. Governor? Sir?
CHIZ: Malaking tulong, Jun, dahil hindi maikakaila, sila ang isa sa pinakamatataas at sikat na mga pulitiko sa ating bansa. At ang aking paglilibot laging Jun, mag-isa lang naman ako so parang independyente ang aking pagtakbo. Napakalaking tulong ang kanilang endorsement sa akin.
Pero Jun, alalahanin din natin, anuman ang kulay na dinadala natin ngayon, sana pagkatapos ng eleksyon, bitawan natin yung mga kulay. Ang hawakan na lamang natin kulay na sumasagisag sa watawat, sa bandila ng Pilipinas. Dahil sa dulo, puro pa rin naman tayo Pilipino nakatira sa Pilipinas. At sinuman ang mananalo, dapat pagsilbihan ng pantay at pareho ang bawat Pilipino, binoto man sila o hindi.
JA: Wala po bang bagyo jan sa inyo? Kasi may Bagyong Agaton tsaka Basyang sa ating bansa, although sa Visayas area lang. What about sa Sorsogon ngayon?
CHIZ: Walang typhoon signal sa amin. Pero pinigilan ang byahe patawid sa pamamagitan ng Matnog Port. At medyo maulan dito ngayon, Magnum Jun.
JA: OK. Ano po ang masasabi nyo sa patuloy na malaking lamang sa mga surveys ng BBM/Sara tandem?
CHIZ: Alam mo, Magnum Jun, sabi ko kanina, student of surveys and numbers ako. Ito ang isa sa unang pagkakataong nakita kong ganyan kalaki ang lamang ng sinumang tumatakbo sa papalapit na halalan. Para sa akin, kakaiba ang mga numerong nakikita natin ngayon. At kung magpapatuloy pa yan matapos ang semana santa, tingin ko halos ‘yan narin ang kakalabasan na resulta. At ito rin siguro ang kauna-unahang pagkakataon, Magnum Jun, sa mahabang panahon na magkatandem ang maninilbihan bilang pangulo at ikalawang pangulo. Dahil sa mga nagdaang eleksyon, palaging magkaibang partido ang nananalong pangulo at ikalawang pangulo.
JA: So ibig pong sabihin Mr. Governor, Mr. Senator, na kayo po ay naniniwala na ito ng tandem na ito ang lalabas na resulta sa darating na halalan, Sir?
CHIZ: Kung ‘yan parin ang numero pagkatapos ng Holy Week. Kung ang lalabas sa mga survey ay ganyan parin pagkatapos ng Holy Week, halos ganyan na ‘yun, Magnum Jun. Maliban na lamang kung may mangyayaring malaking insidente na makakaapekto sa resulta at sa halalan. Minsan may mga tamang nagyayaring ganyan. So hanggat hindi dumarating ang huling araw ng halalan, tulad ng binanggit ko kanina, tuloy-tuloy lang dapat ang pangangampanya ng mga kandidato. Tulad nang nakikita nating ginagawa ng mga presidentiable at vice-presidentiable. Kahit anong resulta ng survey, tuloy tuloy lamang sila sa panunuyo ng ating mga kababayan.
JA: Naniniwala po ba kayo Mr. Senator, na walang mangyaring dayaan sa pamagitan ng mga makinang gagamitin sa COMELEC?
CHIZ: Sana wala, Jun. Lahat ng tumatakbo, naniniwalang walang dayaan dahil bat ka naman tatakbo kung alam mong may dayaan. Umaasa ako na gagawin ng Comelec ang kanilang trabaho. Nilalagay ko yung aking pananampalataya’t paniniwala sa maayos at malinis at totoong resulta ng halalan. Kung hindi ako naniniwala Jun, hindi naman siguro ako tatakbo din kung dadayain lang ako.
JA: Malaki po bang tulong ang pahayag ng presidente na sa halalan na ito, walang mangyaring dayaan? Malaki po ba itong tulong na upang walang mangyari talagang dayaan, Mr.Senator? Sir?
CHIZ: Nakakabigay ng kumpyansa ‘yan, Magnum Jun, sa marami sa ating mga kababayan. At sana sa pangunguna ng pangulo ng ating bansa, susundin sya ng mga ina-appoint niya sa COMELEC. Dahil sa ngayon, lahat ng miyembro ng COMELEC, si Pangulong Duterte na ang nag-appoint.
JA: OK. Sang-ayon po ba kayo sa panukala ni DILG Sec. Ano na ipa-ilalim na sa Alert Level 1 ang buong bansa upang tuluyan ng makabangon ang ating ekonomiya?
CHIZ: Sang-ayon at pabor ako sa panukala ni Sec. Ano, Magnum Jun. Dapat nga sana noon pa ginawa ‘yan. Alam niyo, panahon na para umikot muli ang ating ekonomiya, magbalik ang mga negosyong nagsara, at magbalik din ang mga trabahong nawala dahil sa pandemya. Kung ating babalik tanawan itong pandemya, Magnum Jun, makalipas ang ilang taon, baka madiskubre natin mas marami sa ating mga kababayan naghirap, nagutom o namatay dahil sa mga lockdown at hindi naman talaga dahil sa pandemya. Sana makahanap ng ibang istratehiya ang gobyerno maliban sa palagihang lockdown na lamang tuwing tumataas ang bilang ng kaso ng COVID sa ating bansa.
JA: Kayo din po, kailangan pa rin po kahit isailalim na tayo sa Alert Level 1, kailangan pa rin na maggamit tayo ng face mask, Mr. Senator?
CHIZ: Opo, Magnum Jun. Dahil alam mo, alam na natin makalipas ang dalawa’t kalahating taon, hindi pa naman nawawala ‘yung COVID-19. Alam na dapat natin kung anong dapat natin at hindi natin dapat gawin para manatiling ligtas mula dito sa pandemya at mula dito sa virus na ito. Hindi na kailangan na gobyerno pa palagi ang nagsasabi. Tayo mismo na mga Pilipino, alam na natin kung pano makaiwas. Dalawang taon na nating isinasabuhay ito. Kaya na natin magawa ‘yan ng sarili natin.
JA: Sir, ano po ang magagawa natin sa patuloy na pagtaas sa presyo ng gasolina? Meron namang rollback pero napakakonti naman ang rollback na ito. Ibig pa sabihin, hindi natin nafi-feel na mayroong rollback. Ang nafi-feel natin ngayon, patuloy pa rin ang pagtaas sa presyo, Mr. Senator, Sir.
CHIZ: Magnum Jun, layunin ko sa pagbalik ko sa Senado, irepeal ang Oil Deregulation Law. Hindi ‘yan tumupad sa pangako niyang papababain ang presyo ng produktong petrolyo. At saan ka ba naman nakakita ng batas na ‘yung mayamang may-ari ng gasolinahan, puwedeng magtaas ng presyo kahit kailan niya gusto. Samantalang ‘yung mahirap na tsuper ng jeep, ng tricyle at pampublikong sasakyan, kailangan muna magpaalam sa LTFRB, sa LGU bago magtaas ng pamasahe. Hindi ba dapat kung puwede ang mayaman, mas puwedeng ang mahirap. Hindi ba dapat kung bawal ang mahirap, mas bawal ang mayaman? Ika nga sa prisipyo sa batas, those who have less in life should have more in law. ‘Yung kapos palad sa buhay, dapat mas malaki at malawak ang karapatan sa ilalim ng batas. Itong Oil Deregulation Law, kabaliktaran Magnum Jun, ang isinusulang. Pinoprotektahan nito ang mayayaman at kawawa sa batas na ‘yan ang nahihirap nating kababayan.
JA: Sir, sa ngayon unt- unti ng nakabangon ang ating ekonomiya. Panahon na po bang ibigay ang dagdag sahod na hinihingi ng manggagawa at bakit Governor? Sir?
CHIZ: Pabor po ako sa isang tinatawag Magnum Jun, na legislated minimum wage. Nais kong bawiin ng Kongreso ang kapangyarihan magtalaga ng minimum wage. Dahil sa mahabang panahon na binigay natin, hindi ginagawa ng mga wage boards ‘yung kanilang trabaho. Hindi ko ng alam kung saan nag-grocery o namamalengke o anong sinasakyan ng mga miyembro ng wage boards para sabihing sapat na yung napakaliit na umento o dagdag sa suweldong binibigay nila. Isusulong ko ang isang legislated minimum wage para Kongreso na muna ang magtalaga niyan. At kung talagang babawiin at magbabago ang mga wage boards, dun na lamang natin ibalik muli sa kanila.
JA: What about itong hiningi ng mga transport group na dagdag pasahe, suportado po ba ninyo ito, Mr.Senator, Sir?
CHIZ: Walang ibang pupuntahan kung hindi dagdag pamasahe, Magnum Jun. Dahil hindi tinuloy ng gobyerno yung ayuda na ibibigay dapat sa transport sector natin. Anong gagawin ng tsuper ng jeep at tricycle, sila ba babalikat ng mataas na presyo ng gasolina at hindi nila puwedeng ipasa? Layunin ko sa pag repeal ng Oil Deregulation Law, maiwasto ang pagiging inutil ng gobyerno at walang magawa tuwing tumataas ang presyo ng produktong petrolyo. Para hindi na kailangan magdomino effect, Magnum Jun. Tataas ang presyo ng gasolina, tataas ang pamasahe, tataas ang sweldo, magkakaroon ng inflation at tataas ang presyo ng bilihin.
JA: Mr. Senator, dito tayo sa medyo may kaunting showbiz. Sa isang panayam, sinabi ni Ms. Heart na kung hindi ka niya asawa, iboto ka pa rin nya kasi nag-research daw siya sa iyo way back in 2007. May payo pa sya sa mga botante na magresearch at pag-aralan ang plataporma ng mga tumatakbo. Anong masasabi nyo?
CHIZ: Magnum Jun, puwede ba pakasalan na lang ako ni Heart. Pero kahit hindi niya ako iboto dahil nang nakilala ko siya, senador naman na ako noon. But kidding aside, tama si Heart, Magnum Jun. Kasi alam mo para sa akin, sa araw lang ng eleksyon tunay na nagkakapantay-pantay tayong lahat. Mayaman o mahirap, nakapag-aral o hindi, anuman ang kasarian, tig-iisa isa lang tayo ng boto pagdating ng May 9. Kaya sana gamitin natin ‘yung pagkakataon ‘yun para pumili at piliin ang mga lider na pagsisilbihan tayo sa susunod na tatlo o anim na taon. Minsan lang kada tatlong taon nangyayari ‘yan. Sana gamitin natin ‘yung kapangyarihan nating mamili ng mga tamang lider sa ating bansa.
JA: Mr. Senator, Sir, salamat kaayo. Maliban kung meron pa kayong gustong sabihin sa ating mga kababayan.
CHIZ: Maraming salamat, Magnum Jun. Karangalan kong makapiling at makasama ang ating mga listeners sa Cagayan de Oro, gayon din sa buong lalawigan at mga karating probinsya. Hiling ko po sana muli ang inyong suporta, paniniwala at pagtitiwala sa pagharap ko sa dambana ng balota para maging miyembro muli ng Senado. Para maging kinatawan, kampyon, at tagapaghatid ng boses ninyo sa Senado. Ang aking iniaalay, anumang talino, talento, galing, tapang at karanasang meron ako para makapagbigay ng siguradong direksyon at siguradong solusyon sa mabibigat na problemang kinakaharap ng ating bansa sa ngayon. Sa muli Magnum Jun, sa iyo at sa ating mga listeners, pagbati na lamang. Akong usbon, daghang salamat ug maayong buntag. Thank you ang good morning. Ingat kayo palagi, Jun.