JIMMY Z (JZ): Ang batikang two-term Senator na ngayon ay gobernador ng Sorsogon sa Bicol Region. Noong siya ay senador, naipasa ang Universal Healthcare Act, libreng matrikula sa state universities and colleges, at Exemption ng Minimum Wage Earners sa pagbabayad ng buwis. Kay Chiz Escudero, sigurado! Let’s welcome Senator, este Governor Chiz Escudero dito sa ating probinsya sa Lalawigan ng Bataan. Senator Chiz, magandang araw po sa inyo!
GOVERNOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Jimmy Z, magandang umaga sa iyo, sa lahat ng listeners natin ng 104.5 Power Radio sa Bataan. Karangalan kong muling makabalik dito sa Lalawigan ng Bataan. Magandang umaga sa iyo, Jimmy kumusta ka na?
JZ: Ito po aabuti at ako po’y nagagalak lagi na kayo po ay makapanayam at alam niyo naman po ano, always welcome po kayo dito sa ating Lalawigan ng Bataan. Sa ngayon po, Senator Chiz, ano, sa pagparito ninyo sa Lalawigan ng Bataan, halos nangangalahati na po ang campaign period, kumusta naman po ang inyong paglilibot?
CHIZ: Maayos naman, Jimmy pero hindi tulad ng ibang kandidato na pwedeng maglibot araw araw, meron pa rin akong trabahong dapat gampanan bilang gobernador ng lalawigan ng Sorsogon. Kung kaya’t dalawa hanggang tatlong araw lamang ako nakapag libot pero maski na papaano, nagagawa ko naman parang nakatali nga lang ang isang kamay ko sa likod kaugnay ng oras na pwede ring ibuhos sa pangangampanya.
JZ: Nako! Kayang kaya niyo naman po ‘yan. Alam niyo naman pong maraming tao na nagtitiwala po sa inyo, consistent kayo na mataas sa mga iba’t ibang surveys at halos tiyak na iyong panalo, ano sa mga naging karanasan mo bilang gobernador ang maari ni’yong madala at maging adbokasiya sa pagbabalik Senado po?
CHIZ: Marami, Jimmy Z, alam mo marami kasi akong natutunan at nakita bilang gobernador ng lalawigan na hindi ko po nakikita noong ako ay nasa Senado, at Kongreso. Halimbawa na lamang, wala sa batas kasi ang mga ito, bakit nga ba kinokontrola ng National Government ang kapangyarihan at Karapatan ng lokal na pamahalaan na magdesisyon para saming mga kababayan. Tiyak ko nalalaman ito ni Governor Abet at na-meet ko rin kagabi sa provincial board members league of the Philippines ang mga lokal ng lalawigan ng Bataan at nabanggit ko nga ‘don, bakit pa kailangan aprubahan pa ng DBM, DILG, ang budget ng pamahalaang panlalawigan? SAmantalang pera naman po natin ýun, IRA ‘yun ng probinsya, locally generated revenue ng probinsya ‘yun, bakit kailangan diktahan at aprubahan pa ng DBM bago natin magamit at magastos ‘yung pera natin. Bibili lamang ng sasakyan ang isang probinsya, kelangan pa magpaalam sa DILG at DBM. Kung pera, Jimmy Z, galing sa National Government ‘yan na binigay bilang subsidiya o grant ‘di sige! Susunod kami sa gusto ninyo pero ‘yung perang pagmamay ari naman talaga ng pamahalaan ng panlalawigan, ng mga siyudad wala na dapat say ang National Government ‘don kabilang na lang Jimmy, ang pagtatalaga ng Alert Levels, pagtatalaga ng lockdowns, mas alam ng lokal na pamahalaan ‘yan kesa sino mang nasa National Government official gaano man katalino, gaano man siya kagaling, gaano man kalawak ang karanasan, kung hindi naman siya nagpupunta dito sa ating lugar, aba’y paano niya naman malalaman kung ano ang kailangan ng ating mga kababayan halimbawa dito sa lalawigan ng Bataan.
JZ: Opo Senator, dito po sa Central Luzon ay mahigit dalawampung porsiyento ng mga senior citizens ay unvaccinated pa rin. Pabor po ba kayo sa mandatory vaccination, senator?
CHIZ: Hindi po. Polisiya po yan under international law, na ang isang bakuna na EUA, Emergency Use Authorization, hindi po pwedeng gawing mandatory dahil hindi pa naman talaga tapos lahat ng clinical trials at pag-aaral para dyan. Subalit ang paniniwala ko, Jimmy Z, imbes na magpilitan tayo, magkumbinsihan tayo. Imbes na magpwersahan tayo, mag-usap tayo. Sa aming lalawigan, laumagpas na sa sitenta y singko porsyento ang mga nababakunahan, kabilang na ang mga senior citizens. Mas mahaba lang ang proseso. Masmahaba lang ang usapan at kumbinsihan pero makakamit din po yun, konting pasensya lamang.
JZ: Sentro na naman Senator Chiz ng usapan itong Bataan ah, kamakailan ay dahil sa planong buhayin muli ang Bataan Nuclear Power Plant o BNPP dahil sa Excutive Order 164 ni Pangulong Duterte. Ano po ang pananaw nyo dito Senator, sa isyu na ito?
CHIZ: Bago ako mapapayag dyan, tatlong bagay ang kelangan kong makita: Una, pagsunod sa itinatalaga ng Konstitusyon at batas natin kaugnay sa muling pagbuhay o pagtatayo nyan. Pangalawa, approval o pag-approve ng International Atomic Energy Agency ng United Nations so hindi lang po Pilipinas ang dapat pumayag na gawin yan. Meron tayong treatadong pinirmahan na dapat pumayag sila at makita nila kung ligtas ba talaga ang gagawing yan. At pangatlo at pinakaimportante, kung Bataan Nuclear Power Plant ang pag-uusapan, ang kailangang magpasa nyan ay ang mga kababayan natin dito sa lalawigan ng Bataan kung papayagan po nila yan. Kung magkulang kahit isa sa tatlong yan, hindi po ako papayag at hindi ko papahintulutan yan. Basta’t nandyan yung tatlo, magiging bukas ang aking isipan kaugnay sa muling pagbukas o pagtatayo nyan.
JZ: Regarding naman sa mga mangingisda naten, mga taga Zambales, sa Pajo de Masinloc, dahil nga po sa presensya ng mga Chinese military vessels, 70% of their income were loss, nawala po yan, according to Pamalakaya group, paano po natin sila matututlungan Senator Chiz Escudero?
CHIZ: Meroong mga barko na ang Coast Guard at Philippine Navy. Kung ako ang tatanungin, dapat ma-escortan natin ang ating mga mangingisda hanggang sa magsawa ang Tsina na paalisin sila doon. Hindi ako naniniwalang magpuputukan ang Navy naten at Coast Guard ng China. Escortan natin ang ating mga mangingisda para makapamuhay at makapangisda ng payapa. Alam mo, Jimmy Z, may mga opisyal na ineescortan ng hagad, minsan hindi mo nga alam kung bakit may mga hagad sa kalye, napakarami minsan. Aba e, hindi po trabaho ng hagad para bayaran ng pera natin at pera ng bayan, na panandaling VIP yung mayayaman. Trabaho po ng gobyerno tulungan yung pinakaaapi at mahihirap nating kababayan. Akayin sila laban sinumang puwedeng mang-api sa kanila dayuhan man o kapwa Pilipino.
JZ: Dumako naman po tayo sa alam niyo naman pandemya kulang na kulang yung ayuda na inilaan ng pamahalaan para sa sektor na naapektuhan ng pandemya. Katulad na lang sa agrikultura Sir, Senator Chiz Escudero kapag kayo po ay nakabalik sa Senado paano niyo sila matutulungan?
CHIZ: Alam niyo pinakamahihirap na Pilipino nasa sektor ng agrikultura. Kung tunay natin gustong bawasan ang bilang ng mahihirap sa bansa dapat gastusan natin ang sektor na ‘yan. Ang budget Jimmy Z ng agrikultura sa taong 2022 ay 80billion lamang. Bakit mga 80billion ikumpura mo iyan sa budget ng DPWH wala pa pong sampuung porsiyento dahil ang budget ng DPWH ay nasa 840 billion. Ika nga sa Ingles put your money where your mouth is dapat lagyan natin ng pera ang agrikultura kung gusto natin umangat ang sektor na ‘yan. Hindi pwedeng dakdak ka ng dakdak na mahal ko ang agrikultura wala ka namang nilalagay na pera sa agrikultura. Layunin ko at hinihintay ko ang sinumang tumatakbong presidente na sabihin din ito na lalagyan po nila ng hindi bababa apat na daang bilyong piso sa unang taon ng pagkakaupo nila bilang pangulo upang sa gayon, tunay na maramdaman ng ating magsasaka at mangingisda ang ayuda, tulong, pagmamalasakit ng pamahalaan sa kanila. Jimmy Z. medyo mahaba lang pero alam mo ang mga magsasaka at mangingisda natin ang average age at sa edad nila ngayon ay 58 years old na. Dalawang taon na lang senior citizen na po ang average na edad ng ating magsasaka at mangingisda. Bakit? Dahil ang pangarap nila para sa kanilang mga anak dahil sa hirap ng buhay din nila ay maging pulis, doktor, teacher, accountant, abogado, nurse hindi po nila pinapangarap maging magsasaka at mangingisda din ang kanilang mga anak tulad nila dahil nga mahirap ang buhay pero sa ibang bansa mayaman ang magsasaka, mayaman ang mangingisda dito lamang po sa Pilipinas sa Asya mahirap ang nasa sektor ng agrikultura. Panahon na sa pamamagitan ng paglagay ng tama at sapat na pera at budget na umangat ang buhay ng magsasaka at mangingisda. At patunayan natin na puwedeng kumite ng sapat ang tama sa pangangailangan ng kanilang pamilya at ang sektor na ‘yan.
JZ: Alam niyo Senator Chiz Escudero marami po nahihirapan po ngayon lalo na ho yung sa transportasyon. At maging dito po sa aming probinsiya kasi po mahal na rin ang presyo ng gasolina. Nag-ayuda nga ang gobyerno sa mga transport operators pero hindi naman ito pangmatagalan. Di po ba? Ang panawagan ng ilan ay ibasura ang Oil Deregulation Law. Ano po ba ang masasabi niyo rito, Senator Chiz?
CHIZ: Pabor ako d’un. Alam niyo ang Oil Deregulation Law hindi tumupad sa pangako niya na pabbabain ang presyo ng produktong petrolyo. Layunin ko po, una bigyan ng kapangyarihan ang gobyerno ng maximum price o cap sa presyo ng produktong petrolyo, Hindi ko nais na makita na inutil at walang kapangyarihan ang gobyerno sa pagtaas ng produktong petrolyo. Ang kaya lang nilang gawin ay magbigay ng kakarampot at napakaliit na ayuda. Pangalawa po, dapat may kapangyarihan din ang gobyerno nang hindi na kailangan ang kongreso na babaan ang buwis na ipinapataw sa produktong petrolyo kada tumataas ang presyo. Alam ninyo Jimmy, ang kapangyarihan iyan lamang na ibaba ng gobyerno ang presyo ng mula 3-8 pesos. Ipagtatag tayo ng strategic petroleum reserve. Ang ibig sabihin po nito, mag-iimbak tayo ng produktong petrolyo- stockpile na itatago lamang natin. Bibili tayo kapag mura ang presyo sa world market at kaapag tumataas ang presyo ay ilalabas natin ang stock pile natin-imbak natin para ibenta ng mura sa ating mga kababayan sa transport sector kung kulang man ang ating supply at stock. Ilang bagay na nais kong magawa at gawin na sana naririnig din po natin sa mga nagkakandidato bilang pangulo- dahil sa totoo lang mas mabilis magagawa ito kung ito ay idudulog ng pangulo mismo.
JZ: Alam ninyo, Senator Chiz, marami pong natutuwa tungkol po sa mga pagsasaka, mga mangingisda dahil alam ko po malaki ang magagawa ninyo sa Senado upang sa gayon ay matulungan po ang magsasaka at mangingisda sa atin. At alam ko na malaki po talaga ang chance ninyo bilang maging isang senador. Bilang panghuling salita, Senator Chiz, na galing po sa inyo- sa inyong puso. Governor Chiz, ano po ang mensahe ninyo sa ating mga kababayan dito sa lalawigan ng Bataan na nakikinig sa atin at nanonood sa livestream. Nanonood po sa ating FB live. Ano po ang masasabi ninyo, Senator Chiz?
CHIZ: Maraming salamat muli, Jimmy. Karangalan kong makasama ang ating mga kababayan sa inyong programa at himpilan. Hiling at dalangin ko po ang inyong tulong at suporta sa muli kong pagharap sa dambana ng balota para maging miyembro, kinatawan at tagapaghatid ng boses ninyo sa Senado. Dalangin ko po ang kaligtasan ng bawat isa. Sana huwag nating sayangin ang ating kapangyarihan at Karapatan na pumili at piliin ang mga leader na may kakayahang magbigay ng siguradong direksyon at siguradong solusyon sa mabibigat na problemang kinakaharap po natin ngayon. Iyan ang aking iaalay sa inyo. Sa muli, Jimmy maraming salamat at isang pagbati na lamang, magandang umaga at mag-ingat po sana kayong lahat.
JZ: Senator Chiz , ano po ang dapat nilang tandaang numero sa balota sa darating na Mayo 9?
CHIZ: Number 25 ang numero ko sa balota, Jimmy Z.
JZ: Hangad ko po ang inyong pagkapanalo bilang senador muli ng ating bansa. Maraming marami pong salamat.
CHIZ: Salamat, ingat din.