QUESTION (Q): Gov, ano po ‘yung take niyo dun sa ano, kasi madalas ma-extend ‘yung ano ng mga barangay officials. ‘Yung iba may (inaudible) five years, ano po ‘yung take niyo dun?
GOVERNOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): ‘Pag in-extend ang term ng barangay captain, matutuwa at papalakpak ang lahat ng barangay captain. Malulungkot ang lahat ng kagawad na gusto maging kapitan sa darating na eleksyon o balang araw. Sa madaling salita, mas maraming magagalit.
Q: Ma-extend din po ang mga kagawad?
CHIZ: Ma-e-extend sila pero hindi sila magiging kapitan. Para sa akin po, ika nga, sa larong bata o sa chess, touch move ‘yan. Noong tumakbo sila, noong binoto sila ng mga kababayan natin. Hindi ba ‘yun ay para sa takdang panahon na babaguhin ‘yung rules sa kalagitnaan ng laro. Kahit sa ordinaryong laro ng basketball at chess, hindi naman po papayag ‘yung nakilahok sa larong ‘yun. Ganoon din po ito.
Ang nagiging problema lang, natatakot ang mga pulitiko, natatakot ang gobyerno sa gastos na naman sa isang halalan. Pero para sa akin, pinili natin ang demokrasya ng ating bansa, alangan namang magtitipid pa tayo sa demokrasya. Ang dami nating ginagastos na kalokohang gastos. Kabilang na halimbawa ‘yung Dolomite Beach. Kung anumang natipid natin dun, ginastos na sana natin sa eleksyon. Na-ehersisyo pa natin ang karapatan, kapangyarihan ng tao bumuto at pumili ng kanilang mga lider. Para sa akin, mas marapat palakasin at patatagin ang demokrasya ng ating bansa kaysa convenience lamang ng mga politiko, ng mga lider ng pamahalaan.
Q: Ano po ba ang take ninyo dito sa isinusulong na four-day work week?
CHIZ: Pabor ako na pag-aralan ‘yan ng pribado at pampublikong sektor. Dagdagan ko pa, maski nga three-day work week pa. Ang importante ay sa panahong ito na mataas ang presyo ng gasolina, makatulong tayo sa kunsumo na mapababa ito at mapababa din ang gastos ng ordinaryong manggagawa.
Sa totoo lang, sa aming lalawigan, pinapatupad na namin ang 4-day work week mula noong pandemya hanggang ngayon na tumaas ang presyo ng gasolina. Upang sa gayon, mabawasan ang biyahe. At sa totoo lang, may oras pa ang aming mga empleyadong opisyal sa kanilang pamilya, kapiling ang kanilang mga mahal sa buhay. Imbis na parang pinanganak na lamang ang tao para magtrabaho nalang at magtrabaho.
Isipin niyo, magre-retiro ang empleyado ng gobyerno ng 65-years-old. Magsisimula magtrabaho ng 22-23-years-old. 43 years, 45 years ng buhay niya, trabaho ng trabaho nalang at wala ng oras sa pamilya. Ano bang mas importante? Basta nabibigyan mo ng sapat na pangangailangan ang iyong pamilya, dapat naman may oras ka pa rin para sa iyong mahal sa buhay.
Kung ikaw ay nagtatrabaho sa Maynila, sa Makati, sa Quezon City o sa Pasig, nakatira ka sa Cavite. Gigising ka ng mga alas-tres y media ng umaga, alas-kwatro at aalis ka ng bahay, alas-singko, alas-sais. Para dumating ka sa trabaho ng alas-otso, alas-nuwebe. Uuwi ka ng alas-singko, aabutin ka ng dalawa, tatlong oras bago makauwi. Anong sinasabi ko? Pag-alis mo, tulog pa ang mga anak mo. Pag-uwi mo, baka tulog na ang mga anak mo. ‘Pag ginawa mong apat na araw, meron kang sobrang araw palagi maliban sa Sabado’t Linggo para makapiling at makasama ang mahal mo sa buhay. Nakatipid pa tayo sa konsumo ng gasolina.
Q: Hindi makapangisda ‘yung mga mangingisda. Sa magsasaka naman po, patuloy pong sinisira ‘yung kabundukan ng naapekto sa pagsasaka ng mga magsasaka. Sir, ano po ‘yung posible niyong maging posisyon kung saka-sakaling manalo?
CHIZ: Unahin natin ‘yung mangingisda sa West Philippine Sea. Kanina, papunta dito galing sa airport, inescortan ako kaagad. Sabi ko nga, huwag na pabalik. Hindi dapat ineescortan ang sinumang VIP, kaya ko ang sarili ko. Kung may eescortan, dapat escortan ng Coast Guard at Philippine Navy ‘yung ating mga mangingisda. Hindi para makipagdigmaan o giyera sa China. Hindi ako naniniwalang darating sa puntong ‘yun. Para maalalayan sila at hindi sila i-bully, apihin at i-water canon ng mga dayuhang Coast Guard at Navy.
Pangalawa, maglagay tayo ng mga permanenteng istruktura sa mga islang kontrolado natin sa West Philippine Sea. Wala pang isang daang milyon ang kailangan para diyan. Para imbes na barkong pinasadsad sa beach ang tirahan ng mga sundalo at mga Pilipinong naninirahan dun, mas magandang may permanenteng puntahan. Ika nga, tayuan din ng ating mga magsasaka at mga mangingisda, lalo na kung masama o ganito ang panahon.
Kaugnay ng agrikultura, hindi tayo gumastos ng sapat sa agrikultura. Kaunting kuwento, 1986 ministro ng Agriculture ang Tatay ko sa administrasyon ni dating Pangulong Marcos. Ang irrigated nating lupain na tinatamnan ng palay ay 1.3 million hectares. Ang Thailand at Vietnam, wala pang isang milyon nung mga panahong yun. Tatlongpung milyon mahigit ang populasyon ng Pilipinas.
Ngayon, 35 years after, ang populasyon natin 110 million, halos tumriple na. Ang irrigated nating lupain na tinatamnan ng palay ay 1.6 million hectares. Nadagdagan ng 300,000 hectares. Ang Thailand at Vietnam, ngayon ay Thailand, 9 million hectares. Ang Vietnam, 11 million hectares. So, wag tayong magtaka kung bakit number 1 at number 2 ang Vietnam at Thailand na exporter ng bigas. At tayo naman, number 1 na importer ng bigas sa buong mundo.
Isa pang halimbawa, ang eksperto natin sa bigas noon na trained ng IRRI. Isang internationally-funded na institution kaugnay sa, na nakatutok sa pag-aaral ng pagtatanim ng bigas. Matapos ang 1986, kinuha sya ng Vietnam at Thailand bilang consultant on rice. Alam niyo ‘yung trabaho niya sa Pilipinas noong mga panahong ‘yun, hanggang 1992, manager ng PureFoods basketball team. Habang consultant siya on rice ng Thailand at Vietnam. So, huwag na tayong magtaka kung bakit ganyan ang sitwasyon natin at kung bakit napag-iwanan tayo ng ibang bansa. Hindi tayo nag-invest ng sapat na pera sa resources sa sektor ng agrikultura.
Q: Sir, gusto lang po namin magkaroon ng linaw, sa kanino po talagang partido kayo?
CHIZ: Wala akong ine-endorso. Napapasalamat ako sa mga presidentiable na nag-adopt sa aking kandidatura. At hindi masamang bagay ang tingin ko rito. Bakit? Hindi ba’t maganda may pinagkakaisahan ang iba’t ibang kandidatong tumatakbo kaysa lahat na lang ng bagay pinag-aawayan nila. Hindi ba maganda may common ground na pinagkakasunduan iba’t ibang kandidato sa katauhan man ‘yan ng ilang kumakandidato sa pagka-senador, hindi lang naman ako ang in-adopt na magkailan na presidentiable candidate. Hanggang ngayon, wala pa akong ine-endorso. Hindi ko alam kung may i-eendorso ako.
Nasa edad na ako, ang birthday ko ay 10/10/69. Mahirap kalimutan. Nasa edad na ako na nakilala ko, nakatrabaho ko, nakasama ko ang lahat ng tumatakbo siguro na pangulo. Lahat sila may kakayahan. Lahat sila may pwedeng maiaalok, at hindi puwedeng tawaran ninuman. Subalit nagsalita na ba sila kaugnay sa mga plataporma nila. Sumasagot pa lamang sila sa mga katanungan. Sinasabi ang kanilang mga, sa kanilang mga speech ang kanilang mga slogan. Sabi ko nga, pagsama-samahin mo sana lahat ng sinasabi nila, ‘yan ang hinahanap nating presidente.
Ano bang hinahanap nating presidente? ‘Yung presidenteng susugpo sa korapsyon at katiwalian, pagkakaisahin tayong lahat, mabilis kikilos at papaangatin ang buhay nating lahat. ‘Di ba pinagsama-sama ang storya nila lahat ‘yun? Bakit ba tig-iisa lang sila at hindi mapagsama-sama lahat yun?
Ito ngang pinag-usapan natin ngayon, may presidentiable na bang humarap tulad nito na sinagot at sinabing, hindi lamang sagot sa tanong, sinabi, ito ang gagawin ko? Halimbawa, lalagyan ko ng Php400-B sa unang taon ng panguluhan niya ang agrikultura. Papaakyatin ko ng Php800-B bago matapos ang anim na taon. Papa-escortan ko ang mga mangingisda natin imbis na puro kalokohan pang ang ginagawa ng Navy at Coast Guard.
Sabi ng Department of Finance, dapat daw magtaas ng buwis sa susunod na gobyerno. Bilang pangulo, sana marinig natin sabihin ng mga kumakandidato, hindi ko tataasan ang buwis sa Pilipinas dahil walang bansang nagtaas ng buwis sa gitna ng pandemya. Pilipinas pa lang ang gagawa niyan kung saka-sakali. At mamangako sya sa atin na hindi nya gagawin yan. Wala pa namang nagsabing ganoon. May nagsabi naba na ire-review ko, papa-reviewhin ko, tatanggalin ko na sa batas natin ang Oil Deregulation Law na hindi sya tumupad sa pangako niyang papababain ang presyo ng produktong petrolyo. Wala pa rin akong naririnig.
Ngayon po, kung kayo’y may napili na, dahil nakita niyo, napanood niyo, kilala niyo, kamag-anak niyo, kapitbahay niyo, kababayan niyo, ginagalang ko ‘yung desisyon niyo. Pero sa bahay at parte ko, wala pa akong napipili.
Kaya nga, secret balloting ‘yung botohan, ‘di ba, may tag pa. Ba’t niyo tinatanong ‘yung mga pulitiko kung sinong iboboto nila? Kayo, Puwede ko bang itanong kung sinong iboboto niyo sa darating na eleksyon? Karapatan ng bawat mamamayan pumili ng sinumang presidente gusto nila at pipiliin nila. Sa ngayon, wala pa akong napipili at ineendorso o i-endorso. Hindi ko alam kung hanggang sa dulo ‘yan pero sa ngayon, wala.
Sa kabila ng hindi ko pag-endorso, hindi naman hiniling ng mga presidential candidate na nag-adopt sa kandidatura ko ‘yung endorsement bilang kapalit. In fact, yung hiling nila na wala daw akong i-endorso. So yun ang kasalukuyang sitwasyon ko.
Q: Sa patuloy na pagtaas ng petrolyo, ‘yung mga tsuper may ayudang binibigay ‘yung gobyerno pero tila wala pa. Ang gusto nilang mangyari, ibasura ‘yung Oil Deregulation Law para pumasa sa Pilipino.
CHIZ: Pabor po ako, tulad ng sinabi ko kanina. Hindi tumupad sa usapan ang Oil Deregulation Law sa pangakong binitiwan niya noong pinasa ‘yan. Wala pa ako sa Congreso nung pinasa yan. Dapat ibalik ang kapangyarihan ng gobyerno maglagay ng cap sa presyo ng produktong petrolyo. Ibalik natin ang OPSF o Oil Price Stabilization Fund para may pang-sukli tayo sa kompanya ng langis kapalit ng hindi nya pagtaas ng presyo.
Pangalawa, bigyan natin ng kapangyarihan ang gobyerno na babaan ang buwis kapag ka tumataas ang presyo para hindi kasama ang gobyerno sa pabigat na pinapasan ng ating mga kababayan. Halimbawa, ang Value Added Tax sa produktong petrolyo ay percentage tax. Paano madaling mag-compute, sabihin nating 10 porsyento. Kung ang presyo ng gasolina ay Php30 per liter, ang buwis na makukuha ng gobyerno kada litro kung 10% ‘yan ay Php3. Ngayon Php70 na kada litro. Mula Php3 kada litro makukuha ng gobyerno biglang Php7 kada litro. Nakadagdag pa siya sa binabayaran nating mataas na presyo ng produktong petrolyo. Hindi naman yata makatarungan ‘yun. So dapat may kapangyarihan ang gobyerno babaan ang rate ng buwis para hindi sila parang tumama ng lotto tuwing tataas ang presyo ng gasolina.
Pangatlo, kopyahin na natin ang ginagawa ng ibang bansa. Hindi naman natin kailangan mag-imbento eh. Kopyahin natin ang best practices nila. Kabilang sa best practices ay ang pagkakaroon ng isang strategic petroleum reserve. Bibili tayo ng produktong petrolyo pag mura sa world market. Itatago lang natin sa stock pile natin. Ilalabas natin tuwing mataas ‘yung presyo. Para may murang gasolina at diesel na nabibili dito sa Pilipinas galing sa stock pile, inipon at inimbak natin. Maraming bansa sa Europa at Amerika ang gumagawa na po ‘yan sa sobrang matagal na panahon. Tayo ang iisa sa mga kakaonting bansa na wala po niyan dito hanggang ngayon.
Q: Sa pagbaba po ng COVID-19 cases dito sa bansa, may iilang mga paaralan po ang nagkakaroon ng face-to-face classes from primary to tertiary, sang-ayon po ba kayo?
CHIZ: Sang-ayon ako as early as August 2020 na payagan ang face-to-face classes sa mga lugar na wala namang kaso ng COVID. Bilang halimbawa, ang Sorsogon kung saan ako gobernador, 541 ang barangays. 52% ng mga barangay namin, mula nung nagsimula ang COVID hanggang ngayon, hindi pa po nagkakaroon ng ni isang kaso ng COVID. Bakit hindi payagan ang face to face classes sa mga barangay na ‘yon? Ang mga teacher, dahil sa batas na pinasa noong ako’y senador pa dun din naman nakatira sa barangay na ‘yun. Parang may bubble dun.
Hindi totoo ang sinasabi ng DepEd na blended learning. Siguro dito sa Olongapo, totoo ‘yun dahil siydad ito – mayamang siyudad, mas malakas ang internet connection. Sa mga lalawigan at probinsya, mahina ang internet, walang internet. Kaya hindi totoo ang blended learning ng mga bata dun. Purely modular ang pag-aaral ng mga bata dun. Paano naman matututo ang mga bata kung mas mataas pa ‘yung kasalukuyang grade o antas ng mga estudyante sa inabot na pag-aaral ng kanilang mga magulang. Hindi naman yata tama at makatarungan ‘yun. Dehado ang mga bata sa kawalan ng face-to-face. Panahon na para ibalik ‘yan, tingin ko, lalong-lalo na sa mga barangay o lugar na ni minsan hindi pa nagkakaroon ng kaso ng COVID.
Sa aming lalawigan 1.1 million population. Isa na lang ang kaso namin ng COVID-19. Bakit hindi pa payagan mag face-to-face? Hindi lamang ang mga barangay na hindi pa nagkaka-COVID, pero buong lalawigan na. Matagal ko ng sinusulong na payagan na. Wala sa kapangyarihan ng gobernador ang i-utos ‘yan, hawak at desisyon ng DepEd ‘yan.
Q: What do you think is the reason why you’re always on the top 3 on the survey? Hindi kaya dahil po kay Heart Evangelista na fina-follow ang kanyang Instagram at TikTok? At ‘yung cute ninyong sinita-sita ‘yung bag niyang marami.
CHIZ: Sigurado ako na parte ‘yun. Hindi ko naman kinkaila na mas sikat, mas popular at ‘di hamak na mas maganda sa akin ‘yung asawa ko. Sa katunayan, tuwing lumalabas kami sa Maynila, halimbawa kung kakain kami sa labas o pumupunta kami sa mall, palaging may magpapapicture sa kanya. At binibigay sa akin ‘yung cellphone para magpa-picture sa asawa ko.
‘Yun ang dahilan kung bakit nagpasya kaming hiwalay kaming mangangampanya. ‘Yung pupuntahan niya na lugar, iba sa pupuntahan kong lugar. ‘Pag nandito ako, wala siya. ‘Pag nandito siya, wala ako para mas marami kaming lugar na marating. At tsaka para hindi niyo ako mabackstab at masiko at hindi abutan ng camera para mag-papicture lang sa asawa ko. Hindi ako nagseselos sa kanya katanyagan. Tanggap ko ‘yun at hindi rin ako na-iinsecure dun. Maayos at maganda ang relasyon namin at walang dahilan para magkaselosan sa bagay na ‘yun, di tulad ng ibang mag-asawa.
Sa totoo lang, mas gusto kong magkaiba kami ng mundo para pag-uwi sa bahay magkaiba ang dala naming kuwento, ‘di ba. Para pag-uwi sa bahay, ‘yung kaaway niya, hindi ko kagalit. ‘Yung kagalit ko, hindi niya kagalit. Kung masama man ‘yung araw ko, posibleng maganda ang araw niya. Papangitiin niya ako at ganoon din siya. Isipin mo kung pareho kaming nasa showbiz, isipin mo kung pareho kaming nasa larangang pulitika, ‘pag masama ang timpla ng isa, palaging masama ang timpla nung isa.
Kaya may kasunduan kami, kailan man bago kami kinasal, kailanman hindi siya papasok sa larangan ng pulitika. Hindi siya tatakbo sa anumang puwesto at kailanman hindi rin ako papasok sa showbiz. Kahit walang tumatanggap sa akin kung mag-aapply.
Q: Kailan na nga siya pupunta dito pagkatapos mo?
CHIZ: Hindi ko pa alam ang schedule niya. Kararating lang niya kasi galing Paris. Bilang halimbawa ng magkaiba naming mundo, noong isang linggo sya’y nasa Paris, ako’y nasa Sorsogon, Kidapawan, Cotabato at Gen San. Siya’y nasa Europa. Ako’y nasa Mindanao, sa Pilipinas at sa Asia.
Pero maganda din siguro na LDR kami paminsan-minsan, ‘di ba long-distance relationship. Para ‘pag hindi kayo magkasama, nami-miss niyo ‘yung isa’t isa. Para ‘pag nagkita kayo, may pananabik, may gigil sa muling pagkikita niyo. Bakit? Kayo? Wala na ba sa mga asawa ninyo?
Kaya siya ang mas makakapagsabi ng schedule niya dahil hindi ko porke’t tumatakbo ako nasa gobyerno at publice service, mas importante ‘yun ginagawa ko. Kasing importante din para sa kanya at para sa akin din ‘yung trabaho nya ngayon. So siya ang mas makakasagot nun. Ikaw naman, binibigay nyo na nga sa akin yung camera, gusto mo pa alamin ‘yung schedule niya. Siya na ang bahala nun.
Q: Usapin po na buhayin na naman ang Bataan Nuclear Power Plant, ano pong pananaw mo dito?
CHIZ: Tatlong bagay ang gusto kong makita bago ako pumayag diyan. Una, sumusunod itong muling pagbuhay ng Bataan Nuclear Power Plant sa mga batas, Constitution at regulasyon ng bansa. Pangalawa, papayagan ito ng International Atomic Energy Agency, IAEA ng United Nations. Para matiyak natin, hindi lang Pilipino ang titingin pati dayuhan at United Nations na ito’y ligtas. At pangatlo, dapat pumayag ang mga taga-lalawigan ng Bataan. ‘Pag nandoon ‘yung tatlong ‘yan, dun ko pa lamang pag-iisipan, pagiging bukas kaugnay dito. Isa lang sa tatlo ang magkulang, hindi ko po papayagan ‘yan.
Galing na ako sa Bataan. Kausap ko si Governor Garcia bilang opisyal ng lalawigan ng Bataan. Ayon sa kanya, kung ang bubuhayin ay ‘yung 50-year-old na planta na ang gamit ay teknolohiya 50 years ago, hindi nila papayagan ‘yun. Subalit kung bagong teknolohiya daw ang gagamitin at sila mismo sa kanilang pag-aaral makikita nilang mas ligtas ito, bukas daw sila kaugnay sa bagay na ‘yan. So importante papayagan natin, pumayag muna ang mga taga-Bataan. Huwag tayong manguna, huwag tayong magmarunong para sa kanila. Hindi natin bakuran ‘yun, bakuran nila ‘yun. Malalayo dito ‘yung prinsipyo sa ingles na sinasabi, NIMBY, not in my backyard. Payag kayo porke’t malayo sa atin. Payag kayo porke’t dun naman sa Bataan ‘yan, hindi naman dito. Tanungin natin ‘yung mga taga-Bataan; mas nasa lugar sila para magpasya kaugnay ng bagay na ito kesa tayong lahat.
Q: So ano po ang balak ninyo sa malalayong lugar, magbibigay po ba tayo ng ospital bawat bayan?
CHIZ: Kukwento ko sa inyo ‘yung ginawa namin sa Sorsogon na marahil puwedeng magawa sa buong bansa, sa kada probinsya. Sorsogon ang nangunguna sa pagpapatupad ng Universal Health Care Law. Sa ngayon, meron na kami EMR, tinatawag na Electronic Medical Record. Sa ngayon, natayo namin ang aming province for universal health care. Ano pong ibig sabihin nun? I-aabolish na namin ang mga inter-local head zone na nakabase sa lokasyon ng hospital.
Ang aming batayan na record kung ano ang available na serbisyo, saan pinakamalapit. Halimbawa po, yung pinakamalalayong lugar, meron po kaming programa ngayon sa probinsya. Nagtayo po kami ngayon ng residency program para sa family medicine. Para hindi na magkulang ang mga doctor. Ang mga nagre-residency ay doctor na po. Pasado sa board, nag-specialize na lang sa family medicine.
So hindi na po kami bigla nagkukulang ng doctor. Pero kulang pa rin para sa kada-barangay. Kaya ang ginamit po namin ang tawag po jan ay teknolohiya ng maraming kumpanya ang nag(inaudible), tenement. Ano bang ibig sabihin nun, para siyang laptop na may nakadikit na BP, may nakadikit na 3 leagues na ECG, kung saan ay makakausap kang doctor na live. Parang call center na mga doctor. ‘Yan po ang iniikot natin sa kada barangay para makabisita ang “doctor” sa kada barangay. Sinumang may karamdaman, makakausap ng harapan sa pamamagitan ng computer. ‘Yung doctor para makapagkonsulta. Makukunan siya ng ECG. Makukunan siya ng BP sa pamamagitan ng mid-wife o nurse namin na nandoon. At ‘yung resetang ibibigay sa kanya, dahil may Electronic Medical Record na po kami, diretso ‘yun na mapapadala sa parmasiya at diretso naring idedeliver sa BHW para ma-i-turnover sa kanya.
Ginagawa na po ‘yan sa aming lalawigan ngayon. Isang bagay na puwedeng kopyahin, gayahin o puwedeng magawa sa ibang parte ng bansa. Hindi po mayamang probinsya ang Sorsogon. Mas maraming probinsyang mayaman sa Sorsogon. Pero ‘pag nagawa namin, kung nakahanap kami ng pondo para dun. Walang dahilan para hindi ‘yan magawa sa iba’t ibang probinsya o lalawigan ng ating bansa.
Bago po matapos ang taong ito, ‘pag nakuha namin ang e-Konsulta package ng UHC, at kami nga ang nangunguna, at kami unang mabibigyan nito. Kaya na po naming bigyan ng maintenance medicine. Kasi last year pa, libre na lahat ng ospital namin. Basta in-patient ka sa ospital namin, wala kang babayaran. No balance billing po ‘yun.
Pero ngayon, ang inaasikaso namin ngayong taon, ang out-patient services. Kapag ka ikaw ay may hypertension, diabetes, asthma, AIDS, nagbubuntis na nanay, nagpapasusong nanay, 0-5 na bata, probinsya po ang nagbibigay ng maintenance medicine mo at bitamina mo. Malaking maibabawas sa sakit ng ulo namin ‘yan. Kaugnay ng komplikasyon o karamdaman ng bata man o matanda. At ‘yung hypertension at diabetes medicine na ibibigay namin, specific sa brand na rineseta ng doktor. Dahil hindi naman puwedeng gamitin ang parehong hypertension sa lahat ng klase ng kaso ng hypertension. Iba-iba po talaga ‘yan.
Kumpleto na ang datos namin, hinihintay nalang namin dumating ang e-Konsulta package para mabigay po namin ‘yan. ‘Pag ‘yan nagawa namin, malaki ang maibabawas po ng gastusin kaugnay sa health care, matanda man o bata. At hindi ma-o-overwhelm ang health care system namin.
Two weeks ago, nag-groundbreaking na rin kami sa Cancer Treatment Center, in other words radiation, sa aming lalawigan. Ang tingin ko po dun ay hindi lamang tulong medical para sa mga taga-Sorsogon, para sa taga-Masbate, Samar, Catanduanes, Albay. Medical tourism din po ‘yun. Dahil walang ibang pasilidad sa 14 na probinsyang pumapalibot sa amin. Pupunta po sila sa Sorsogon para sa medical tourism para magpagamot. At the same time, makita ang mga tanawin namin, gumastos sa hotel o sa bahay, mag-grocery, mag-palengke at dagdag-pasok ng bagong pera ‘yun sa aming lalawigan.
Q: Merong agam-agam na lumalabas, ilang porsyento para sa inyo na magiging malinis itong darating na eleksyon?
CHIZ: Sinumang kandidato na kumakandidato ngayon na nagsasabing may dayaan ang eleksyon – wala pa ngang eleksyon – umatras na lang siguro dapat. Kung hindi ka naniniwalang magiging malinis ‘yun. Kumakandidato ako, may tiwala ako sa proseso.
Ang problema kasi sa eleksyon sa Pilipinas, ‘di tulad sa ibang bansa, pagkatapos ng araw ng eleksyon, dalawang klase lamang ang kandidato. ‘Yung nanalo at ‘yung dehado. Dun ka natatalo sa eleksyon. Kung hindi ka talaga naniniwala sa proseso, wala kang bilib sa proseso, huwag ka na lang tumakbo. Umatras ka na lang kahit ngayon pa. Kaysa naman sisigaw ka ng dayaan porket nagkataong natalo ka lamang. Sa lahat ng tinakbo kong halalan, nanalo man ako o natalo, hindi pa ako naghain ng protesta. Naniniwala ako kasi, kung nadaya ka, nagpadaya ka. Bahagi ‘’yan sa dapat bantayan ng guwardya ng lahat ng tumatakbo.
So, kung may mga ganitong duda ang ilang mga kandidato, puwes ngayon pa lang gawan na nila ng paraan. Alamin kung totoo. Tiyakin na hindi totoo. Lagyan ng bantay at safeguards para hindi mangyari ang mga plano na ‘yan. Kung hindi nila nagawa ‘yun, bahagi ‘yun ng kapabayaan nila kung saka-sakali. Wala kang resources para gawin yung binabanggit kong bantayan, tiyakin, pero sigurado ako lahat ng tumatakbong presidente o karamihan sa kanila, merong ganoong batayan. Sana ‘yun nga ang gawin nila para naman sa gayon, hindi pa sila presidente, tumatakbo pa lang sila, may nagawa na silang tulong para sa ating lahat. Ika nga, resibo nun klaro at makikita ‘yun, bago paman sila manalo.
Q: Palakpakan natin.
CHIZ: Hindi ko na tatanungin, marahil iba’t ibang kulay ang dala ninyo, pula, pink, green, puti o blue, sana hanggang sa May 9 lang ‘yan. Sana pagkatapos ng May 9, ang pare-pareho nating dalhing kulay ay pula, puti, asul na may kaunting dilaw. Mga kulay na kumakatawan sa bandila ng Pilipinas. Dahil sa dulo, ‘yan naman talaga dapat ang kulay nating lahat, kung anumang kulay ng ating bandila. Maaaring nag-aaway away magkaibigan, magkatrabaho, magkabarkada at magkamag-anak dahil lang sa eleksyong ito.
I have news for you. ‘Yung mga kumakandidato, hindi sila magkakaaway ha. Magkaibigan ‘yung mga ‘yun. Kung supporter lang kayo, para kayo pa ang nag-aaway-away, sila pagkatapos ng eleksyon hindi. At alalahanin po ninyo, sinuman ang manalong presidente, siya ang magiging presidente ng bumoto sa kanya at hindi bumoto sa kanya. Siya ang magiging presidente ng gusto siya at ayaw sa kanya. Siya ang magiging presidente ng minumura siya ngayon at sinasabing “I love you” sa kanya ngayon. Dapat pantay niyang pagsilbihan ‘yun bilang pangulo ng bansa. Utang niya sa atin ‘yun at sinumpaang tungkulin niya ‘yun. Sana pagkatapos ng halalan, magmove-forward, move-on tayo. Kalimutan natin anumang sakit, masasakit na salitang binitiwan dahil sa dulo. Hindi naman tayo Ilocano, Bicolano, taga-Sarangani o taga-Cavite, sa dulo pare-pareho tayong Pilipino.
At sa araw lang ng halalan, tunay na nagkakapantay-pantay tayo. Ikaw man si Manny Villar, pinakamayaman sa Pilipinas ngayon, ikaw man ay tricycle driver, tumatakbo ka mang presidente, konsehal ng isang maliit na munisipyo. Sino ka man, nasan ka man, anuman ang kasarian mo, mayaman o mahirap, nakapag-aral o hindi, may hitsura o wala, pagdating ng eleksyon tig-iisa isa tayo ng boto. Diyan lang sa araw na ‘yan, minsan lang nangyayari kada tatlong taon, tunay na nagkakapantay-pantay ang bawat Pilipino. Huwag nating sayangin ang pagkakataong yun na piliin kung sino sa atin ang nararapat.
Bilang muling paalalang pangwakas, hayaan na ibahagi ko sa inyo ang isang nakita kong magandang kasabihan sa TikTok, “we don’t have to agree on anything to be kind to one another.” Hindi natin kailangan magkasundo sa lahat ng bagay para maging mabuti sa isa’t isa. Maaaring isa o dalawang bagay lamang, maaaring walang bagay tayong pinagkakasunduan, pero hindi rason ‘yun para mang-alipusta, murahin at hindi maging mabuti at makipagkapwa tao tayo sa sinumang makakasalamuha at makakausap o mamimeet natin sa ating buhay.
Sana malaman niyo hanggang May 9 dahil maikli lang ang panahon ng eleksyon, mas importante maghanap tayo ng puwedeng magbuklod-buklod sa atin kaysa maghanap tayo ng mga issue na pag-aawayan lang namin natin sa dulo. So muli, magandang umaga at maraming salamat. Salamat sa panahong binigay ninyo.