RMN NEWS NATIONWIDE

 

GOVERNOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Magandang umaga sa iyo! Sa lahat ng listeners at tagapakinig natin sa RMN sa buong bansa, magandang umaga po sa inyong lahat.

BUDDY OBERAS (BO): Katatapos lang din iyong news item na pang-apat kayo sa Pulse Asia. And of course, consistent talaga kayo sa top six. Ano bang pakiramdam kapag ka naririnig na kasama ka dyan sa listahan na ganyan, Senator Chiz?

CHIZ: Turo sa akin ng Tatay ko na hindi ka dapat maging kumpiyansa o kampante sa isang halalan. Para sa akin, mataas man o mababa survey, tuloy-tuloy lang dapat ang kandidato sa pangangampanya para iparating iyong kanilang mensahe, plataporma at layunin dahil sa araw pa rin naman ng eleksyon binibilang ang boto at hindi sa survey.  At dagdag pa siguro diyan, number 1, 3, 5, 8 o 10 man, pare-pareho lang naman ang suweldo nun. Ang importante makapasok sa top 12 at senador pa rin po ang tawag dun.

BO: Pero ‘yung iba talaga, Senator Chiz, mai-segue ko lang din, gusto talaga nila top one sa senatorial post. ‘Di ba may ganoon.

CHIZ: Libre naman mangarap, Buddy. Pero gaya ng sabi ko, pareho lang ang suweldo. Pareho lang ang tawag. Wala namang ipinagkaiba ‘yun. Mahalaga lamang makapasok sa top 12. At sa kasaysayan ng ating bansa nitong nagdaang dalawang dekada, doon sa mga nag-aambisyon, huwag mo na akong ibilang doon, mag-presidente, wala pa akong alam na nag presidente na nag number one sa Senado.

BO: Senator Chiz, speaking of presidential, vice-presidential race, ‘yung BBM-Sarah tandem, undoubtedly po at nangunguna pa rin. Mukhang ang tanong nga ng marami, baka nga dun na ang resulta. But again, actual day talaga yan, May 9. Pero kayo bilang nandiyan, anong maipapayo mo sa mga susunod na magiging leader ng bansa natin, Sir?

CHIZ: Siguro isa lamang. Na sana sinuman ang mananalo bilang pangulo, ikalawang pangulo, senador, congressman, governor, mayor at iba pang pwesto, sana pagsilbihan po namin ng tapat at pantay ang bawat Pilipino. Bawat Pilipino, ibinoto man kami o hindi, sinuportahan man kami o hindi, gusto man kami o ayaw man sa amin, dapat pantay na pagsilbihan nyan ng lahat ng mananalo pagdating ng May 9.

BO: Katatapos lamang ng Labor Day, Senator Chiz. Alam ko malapit din sayo syempre ang mga workers natin sa bansa. ‘Yung gusto nila Php750, may mga nagsusulong national daily minimum wage. Isa ‘yan sa mga kakaharapin ng bagong susunod na administrasyon. Ano sa palagay ninyo ang inyong puwedeng, let’s say, reasonable solution para po dito?

CHIZ: Pabor ako sa isang legislated minimum wage increase. Maliwanag sa akin na hindi ginagawa ng mga regional wage board ng tama ang kanilang trabaho. Pero bagaman legislated minimum wage, dapat ay by region pa rin ang rate. Ibig sabihin maglalaro ‘yan sa Php500 hanggang Php750, depende sa rehiyon. So, halimbawa, para sa lalawigan ng Sorsogon at Region V, mula Php310 paakyat ng Php500. Sa NCR naman, mula Php510, Php520 paakyat ng Php750.

Sa parte naman ng mga negosyante natin, sana huwag silang mangamba at maabala dahil hindi naman po sila mamumulubi. Hindi naman po sila magugutom kapag tinaasan natin ang suweldo ng manggagawa. Bawas kita lang po ‘yung sa punto de vista nila. Pero sa punto de vista ng manggagawa, malaking bagay po ito dahil maliwanag na hindi na po sapat ang kanilang suweldo sa pangunahin nilang pangangailangan sa taas ng presyo ng bilihin ngayon.

BO: Senator Chiz, kumbaga sa isang estudyante na gustong magbalik paaralan, kung sa face-to-face, kayo rin. Kung sakaling palarin kayong makabalik sa Senado, ano po ‘yung unang nasa utak ninyo na gusto nyong gawing panukalang batas para matulungan ‘yung ating kababayang apektado ng pandemya and at the same time mga natural calamities?

CHIZ: Dapat tutukan ang sinumang mahahalal sa Senado ang ating MSMEs (micro, small at medium enterprises) dahil 90% ng ating ekonomiya ito. Kung muling babangon at tatayo ang MSMEs, 90% din ng ating ekonomiya ay babalik, 90% ng mga trabaho nawala ay babalik din. Pangalawa’y agrikultura. Sa mahabang panahon pinabayaan na ang agrikultura. Marapat at dapat patunayan natin na hindi kailangang maging mahirap ang magsasaka at mangingisda tulad ng sa ibang bansa. At pangatlo, ang pagpasa ng isang Odette Rehabilitation Bill dahil maliwanag hanggang ngayon apektado pa ang maraming lugar sa ating bansa dahil sa Odette. At kailangan po ng tulong ng Kongreso, ng Senado at ng Nasyonal na gobyerno.

BO: Ano pong role ng LGU, Senator Chiz, sa mga pangyayari na ito? At ano rin ‘yung puwede niyong itulong sa kanila, eventually?

CHIZ: Bilang gobernador naranasan ko ang mga pinagdadaanan ng mga lokal na pamahalaan. Nais kong maging kampeon ng mga LGU sa Senado kung papalarin. Dahil hindi dapat pinapakialaman ng todo todo ng national government ang mga local government units. Malayong mas alam ng mga lokal na pamahalaan kung anong dapat at kailangang gawin sa kani-kanilang lugar kumpara sa sinumang national government official. Gaano man siya katalino o kalawak ang karanasan nya. Kung hindi naman siya bumibisita sa kada lalawigan at nakaupo lamang sa airconditioned kwarto nya sa Manila at ni hindi tumatayo para dungawin, tingnan man lamang ang aming kalagayan.

Alam mo ba Buddy, ang budget ng probinsya maski na ordinansa na at ipinasa ng Sangguniang Panlalawigan, kailangan pa rin aprubahan muna ng DBM bago maging epektibo. Mali yata ‘yun. ‘Pag gustong bumili ng sasakyan o kotse ng LGU, kailangan muna payagan ng DILG. Hindi yata tama ‘yun. Kung gamit naman ay pera namin, resources namin, IRA namin, locally-generated revenue namin, hindi na dapat ‘yan pinapakialaman pa ng National Government. Sulong sa local autonomy na nakasaad sa ating Saligang-Batas.

BO: Senator Chiz, hindi talaga maiwasan na itanong sa amin kung kumusta na si Heart at kapag ka nangangampanya ba kayo ay kasama siya palagi? Kamusta po siya? Sobrang busy ba?

CHIZ: Mabuti naman. Salamat sa pagtanong. Hindi lang nga kami nagkikita nitong mga nagdaang araw dahil sa trabaho nya, dahil sa trabaho ko bilang gobernador at pangangampanya din. Pero, sa May 9, sigurado akong magkasama kami dahil boboto siya dito sa lalawigan ng Sorsogon.

Pero maganda minsan ‘yun sa mag-asawa yung LDR (long distance relationship). Para kapag hindi kayo magkasama, namimiss nyo ang isa’t isa. At bigla naman kayo nagkita, siyempre may pananabik. Siyempre may konting gigil sa muling pagtatagpo at pagkikita ng magsing-irog o mag-asawa.

BO: Senator Chiz, sa inyo pong closing part sa RMN News Station ngayong umaga. Go ahead, Sir.

CHIZ: Sa muli, maraming salamat, Buddy. Karangalan ko na makapiling at makasama kayo sa ating programa ngayon sa RMN. Nais kong batiin ang ating mga kapatid na Muslim sa okasyon ng Eid al-Fitr. At hiling ko po ang inyong tulong, suporta, paniniwala at pagtitiwala sa muli ko pong pagharap sa dambana ng balota para maging miyembro ng Senado. Para maging kinatawan, tagapagtanggol, kampeon at tagapaghatid po ng boses ninyo. Ang aking iniaalay anumang talento, galing, tapang, karanasang meron ako para makapagbigay po ng siguradong direksyon at siguradong solusyon sa maibibigay na problema ng ating bansa sa ngayon. Sa muli, Buddy, maraming salamat. Pagbati na lamang sayo at sa ating listeners. Magandang umaga at mag-ingat po sana ang bawat isa sa inyo. Ingat!