Parang kami lang ang binigyan niyo ng malisya.
Minsan may isang makatang nagsabi ng mga sumusunod na kataga, “sa araw daw ng halalan tunay na nagkakapantay-pantay ang bawat Pilipino. Bawat Pilipino mayaman man o mahirap, babae man o lalake, nakapag-aral o hindi, may hitsura o wala, pagdating ng araw ng halalan tigi-tigisa lamang tayo ng boto”. Sa ginagalang kong miyembro ng Commission on Elections sa pangunguna ni Chairman Pangarungan, sa mga miyembro at empleyado ng COMELEC na naririto ngayon, sa mga kapulisan, sa miyembro ng Sandatahang Lakas, mga bisita’t mahal sa buhay na mga kapwa ko prinoklama sa araw na ito. Nais ko din bigyan ng pagkilala ang mga miyembro ng Senadong naririto ngayon kabilang si dating Senate president Manny Villar, Senator Cynthia Villar, Senator Bong Go at Senator Pia Cayetano, sa ating lahat magandang araw po sa inyo.
Ginamit ko po bilang panimula ang mga katagang iyon para bigyang pagkilala ang napakagandang serbisyo trabaho na ipinakita sa atin hindi lamang ng Commission on Elections, hindi lamang ng inyong mga kawani pero pati na rin ang ating mga kapulisan, guro, teacher at miyembro ng sandatahang lakas. Walang katumbas at hindi puwedeng ikaila na isa na ito sa pinakamabilis na halalang nakita natin na nagbigay daan para mabawasan din anumang pandaraya at anumang kaguluhan na pwedeng maganap o mangyari kaugnay ng isang halalan.
Gagamitin ko rin po ang pagkakataong ito para magpasalamat sa lahat po nang nagbigay sa akin ng tiwala, paniniwala sa muli ko pong pagharap sa dambana ng balota noong nagdaang halalan. Pero pinasasalamatan ko hindi lamang ang bumoto sa akin pati na rin ‘yong hindi bumoto sa akin. Dahil bilang miyembro ng Senado, tapat ko pong pagsisilbihan ang bawat isa sa inyo. Binoto man ako o hindi, gusto man ako o ayaw sa akin, inaaway man ako noong nagdaang eleksyon o minamahal man ako siyang dapat maging trabaho at tungkulin ng bawat isa sa aming bagong halal na opisyal anuman ang pwesto dito sa ating bansa.
Nalalaman ko rin na isa ‘to sa pinakamaiinit na halalan kumpara sa mga nagdaang taon. Mainit dahil maraming magkapitbahay, magkatrabaho, magkamag-anak na nag-away, nag-unfriend at nag-unfollow dahil lamang iba’t ibang kulay ang kanilang dinadala kaugnay sa halalang ito. Ang akin pong hiling, sana mula sa araw na ito magsimula na ang paghilom. Sana anuman ang kulay na inyo o ating dinala sa nagdaang halalan palitan na lamang natin ng nag-iisang mga kulay na pula, asul, puti na may kaunting dilaw. Sana mga kulay na lamang na sumasagisag sa ating bandila ang ating dalhin. Anuman ang kulay na sinuot o dinala natin sa nagdaang eleksyon dahil sa dulo, pagbali-baliktarin man pare-pareho pa rin tayong Pilipino at pare-pareho pa rin tayong nakasakay sa nag-iisang bangka na ang pangalan o ang tawag ay Pilipinas. Sa muli, maraming salamat at magandang araw po sa inyong lahat.