GOVERNOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Magandang hapon sa inyo at sa lahat ng listeners natin sa DWSI sa Isabela at buong Lambak Cagayan. Magandang hapon po sa inyong lahat. Good afternoon. Kumusta ka na?
LORRAINE CAPARROS (LC): Yes. Mabuting-mabuti, Senador. At excited na makapanayam po kayo. Nang ipaalam sa amin na kayo po ay aking makapanayam ay talaga namang taos-puso ang pasasalamat ko at maligayang-maligaya po ako na nakadaupan ko po kayo sa himpapawid.
CHIZ: Karangalan ko din na makapiling ka sa hapong ito.
LC: Ayon po sa pinakahuling survey, talaga naman pong hindi nagpapatinag ang pangunguna ninyo sa survey. At ilang araw bago ang halalan, consistent po kayo sa top. Hindi bumababa sa hanggang top 1, top 2, top 3. Nandoon lang naglalaro ‘yung pangalan. At sa pinakahuling survey nga nasa una kayo. Ikalawa at sure na sure na kayo po ay papasok. Ano po ang masasabi ninyo rito?
CHIZ: Alam mo ang binibilang pa rin ay boto sa araw ng eleksyon at hindi sa survey. Kaya para sa akin, sinuman ang mataas o mababa sa survey, dapat tuloy tuloy lang sa pangangampanya para maiparating ‘yung aming mensahe, layunin at plataporma sa ating mga kababayan. Tsaka number 1, number 3, number 5 o number 8 man, ang importante pasok sa top 12. Ang suweldo po nun pare-pareho lang. Ang tawag senador din naman.
LC: Pero Senador, speaking po sa mga survey, ang BBM-Sara po tandem ay talaga na pong nangunguna sa mga sinasagot sa iba’t ibang survey. Sa inyo pong pananaw, ito na rin po ba ang patutunguhan ng resulta ng halalan?
CHIZ: Ngayon lang ako nakakita sa survey ng ganyan kalalaking lamang. Malapit na ang eleksyon o kulang kulang isang linggo na nga lang bago mag eleksyon. Kung walang mangyayaring kagimbal-gimbal, kagula-gulantang na wala akong naiisip na puwedeng mangyari, ‘yan na ‘yung magiging resulta ng halalan.
Sa kauna-unahang pagkakataon, makalipas ang mahaba na panahon, mag-ka-tandem ang magiging pangulo at ikalawang pangulo natin. Magkapartido at hindi po magkalaban o kontra partido. Sa kauna-unahang pagkakataon din, mayorya ng mga boto ang makukuha ng magiging pangulo at pangalawang pangulo natin. Matagal nang hindi nangyayari ‘yan.
Pero tulad ng binanggit ko kanina, boto pa rin sa araw ng eleksyon ang binibilang. Kaya ‘yung mga lamang at ‘yung mga dehado sa survey ngayon sa pag kapangulo at ikalawang pangulo, tuloy-tuloy lang naman ang kanilang pangangampanya hanggang sa huling araw na puwedeng mangampanya sa May 7.
LC: At eleksyon na po sa susunod na Lunes. Sa mga mahahal po na pangulo ng bansa, ano naman po ang inyong maipapayo?
CHIZ: Isa lamang siguro, sana magsilbi sila bilang pangulo at ikalawang pangulo ng bawat Pilipino. Bawat Pilipino binoto man sila o hindi. Bawat Pilipino, sinuportahan man sila o hindi. Bawat Pilipino, gusto man sila o ayaw sa kanila. Ito ang susi ng tunay na pagkakaisa ng ating bansa matapos ang isang mainit na halalan.
LC: Tama po kayo. Sana pagkatapos ng eleksyon mawawala na po ‘yung mga iba’t ibang kulay na ngayon ay parang nagiging dibisyon ng ating mga botante. Pero sa inyo pong kandidatura ay inendorso po kayo ng iba’t ibang kulay. Katulad po ni Pangulong Duterte, ni Vice President Leni Robredo at maging si Davao City Mayor Sara Duterte. Ano po ang masasabi niyo rito?
CHIZ: Alam mo, tama ka. Bagaman iba’t ibang kulay ang sumusuporta sa akin. Ang mahalaga, ‘yung kulay na dadalhin natin lahat pagkatapos ng eleksyon. Para sa’kin, ang mga kulay na ito ay dapat sumasagisag sa watawat at bandila lamang ng ating bansa, mga kulay na pula, asul, puti na may kaunting dilaw. Dahil matapos ang halalang ito, gaano man kainit, iba-iba man ang ating dinala at sinusuportahan, pare-pareho pa rin tayong Pilipino na naninirahan sa nag-iisang bansang Pilipinas pa din.
LC: Ang panawagan po ng ilang mga grupo ay ito pong Php750 na national daily minimum wage. At may pangamba po naman ang ibang mga negosyo sa demand na iyan. Ano po sa palagay ninyo ang fair and reasonable solution para dito?
CHIZ: Pabor ako sa isang legislated minimum wage na hindi na dadaan sa regional wage boards. Pero, by region pa rin ang rate at hindi iisang rate lamang para sa buong bansa. Maliwanag para sa’kin na hindi ginagawa ng mga regional wage boards ang kanilang trabaho. At palagi nilang sinusuportahan at kinakampihan ang mga negosyante. Sa parte naman ng mga negosyante, hindi naman sila mamumulubi o magugutom kapag binigyan nila ng dagdag-suweldo ang manggagawa. Siguro mababawasan lang ang kita nila. Pero sa punto de vista ng manggagawa, kailangan po nila ng dagdag-sahod dahil kulang na, hindi na sapat, naghihirap at nagugutom na ang ating manggagawa dahil sa napakababang suweldo na binibigay po sa kanila.
LC: Ano po ang una ninyong panukala na ilalatag upang matugunan po ang ating mga kababayan na karamihan parin po ay nakakaranas pa rin ng hirap dulot po ng nagdaang pandemya?
CHIZ: Pagtutok sa MSME (Micro, Small at Medium Enterprises) dahil 90% ng ating ekonomiya ay MSME. Kung muling makakabangon ito, 90% ng ekonomiya at 90% ng mga trabahong nawala ay babalik din. Pangawala, pagtutok sa agrikultura. Panahon na para bigyan natin ng sapat na tulong sa agrikultura dahil sa ibang bansa hindi naman mahirap ang magsasaka. Hindi po pulubi ang mangingisda. Sapat ang kanilang kinikita.
LC: Ano naman po ang batas na nais ninyong maipasa upang mapalakas pa ang LGU sa ating bansa?
CHIZ: Nais kong bawalan at pigilan ang sobrang pakikialam ng national government sa LGU. Lalong-lalo na sa pagdating ng paggastos ng aming IRA at locally-generated revenue. Wala na dapat pakialam ang National Government diyan dahil naniniwala akong malayong mas alam ng gobernador, mayor, Sangguniang Bayan members, Sangguniang Panlalawigan member ang tunay na kailangan sa kanilang lugar. Kumpara sa kahit na sinong National Government official. Gaano man siya katalino o kalawak ang karanasan, hindi naman siya nagpupunta sa ating mga probinsya. Hindi naman niya alam kung anong nangyayari sa ating probinsya. Hayaan na lamang nila ang lokal na pamahalaan magdesisyon tungkol dito. Simpleng bagay na lang na pagbili ng sasakyan, aba’y kailangan pang kumuha ng permiso sa DILG. Mali naman na yata ‘yun.
LC: Kumustahin ko lang po si Ms. Heart. Nagkikita pa ba kayo sa inyong, sa kabila ng inyong busy schedules?
CHIZ: Hindi gaano nitong mga nagdaang linggo dahil siya may trabaho, ako may trabaho sa Sorsogon gayundin sa pangangampanya. Pero tiyak ko magkikita kami sa araw ng halalan dahil dito siya sa Sorsogon boboto. Pero alam mo sa mag-asawa, minsan maganda rin ‘yung may panahon na hindi kayo magkasama. Para kapag hindi kayo magkapiling, nami-miss niyo ang isa’t isa. At kapag nagkita naman kayo matapos ang maikling panahon, merong pananabik at may gigil kapag nagkita kayo.
LC: Ito pong huling isang linggo ng kampanya, ano pong mga schedule na inyong tututukan?
CHIZ: Wala na masyado. Nandito ako sa Sorsogon at bibisita na lang siguro ng isang beses pa sa ilang lalawigan sa Mindanao. Tapos ‘yun na ‘yon. May trabaho pa rin kasi ako na dapat gawin dito sa Sorsogon bilang paghahanda rin sa halalan.
LC: Huling mensahe na lang po para po sa ating tagapakinig.
CHIZ: Sa muli po, karangalan kong makapiling ka at lahat ng listeners natin sa DWSI sa Isabela at Lambak ng Cagayan. Hiling ko po sana ang inyong tulong, suporta, paniniwala at pagtitiwala sa muli kong pagharap sa dambana ng balota para maging miyembro ng Senado. Para maging kinatawan ninyo, tagapagtanggol at kampeon ninyo at tagapaghatid ng boses ninyo sa Senado. Ang aking iniaalay, anumang talino, talento, galing, tapang at karanasan meron ako, para makapagbigay ng siguradong direksyon at siguradong solusyon sa mabibigat na problema na kinakaharap ng ating bansa sa ngayon. Sa muli, maraming salamat at pagbati na lamang po muli. Thank you and good afternoon. Ingat ka palagi.
LC: Ano po ang balota niyo na atin pong shade-an?
CHIZ: Ang numero ko po ay number 25 sa balota. Maraming salamat.