UKOL SA CELEBRATION OF INTERNATIONAL WOMEN’S DAY

 

Nakikibahagi ang probinsiya ng Sorsogon sa global community sa selebrasyon ng International Women’s Day 2022 na may temang “Gender equality today for a sustainable tomorrow.”

Nakikiisa rin kami sa lahat ng Pilipino sa pagdiriwang ng National Women’s Month ngayong buwan ng Marso na nakatutok sa “Agenda ng Kababaihan, Tungo sa Kaunlaran” sa ilalim ng pagkalahatang tema para sa 2017-2022 na “WE Make CHANGE Work for Women.”

Kahit may mga nakamit na tayong makasaysayang tagumpay sa mga nakalipas na taon pagdating sa gender equality at women empowerment, hindi pa rin natatapos ang ating trabaho dahil patuloy nating isusulong ang pagkakaroon ng isang makataong lipunan na lilikha ng mga pantay na oportunidad para sa lahat nang hindi nakabase sa kasarian, estadong panlipunan, paniniwalang pangrelihiyon, at kinaaanibang pulitika.

Sa pagdiriwang sa buong Marso ng National Women’s Month, pinapapurihan natin ang lahat ng kababaihang Pilipino sa kanilang kontribusyon sa pagtataguyod ng nasyon. Base datos ng Philippine Statistics Authority, mayroong 54.6 milyong kababaihan o halos kalahati ng bilang ng buong 110 milyong populasyon ng bansa. Hindi nating maipagkakaila na ang ating mga kababaihan ay tunay ngang katuwang sa pagsasaayos ng ating bansa.

Noong 14th Congress (2007-2010), isa ako sa mga senador sa pagsasabatas ng Republic Act 9710 o ang “Magna Carta of Women.” Nagsulong din tayo ng mga panukala na naglalayong bigyang-kapangyarihan, protektahan, at isulong ang mga karapatan ng kababaihan, na kasamaang-palad, ay hindi naaksiyunan noong 16th at 17th Congress.

Kung muling mabibigyan ng pagkakataon na makapaglingkod bilang isang senador, ninanais kong balikan ang mga nasabing panukala at muling ihain kung kinakailangan. Marahil ay napapanahon na ring tingnan kung papaano pa mas mapapaganda ang 13 taon nang Magna Carta of Women para mas lalong maikampeon nito ang mga karapatan ng mga kababaihan at mas maingat na Gender and Development programs ng pambansang gobyerno at mga lokal na pamahalaan.