Isang maalab na pagbati at pagpupugay sa ating mahigit na 45 milyong manggagawa sa pagdiriwang ng Araw ng mga Manggagawa o Labor Day.
Kasama ako ng buong sambayanan sa pagpapasalamat at paggunita ng mahalagang papel ng sektor ng manggagawa sa pagtaguyod ng ating mga industriya at pag-ikot ng ekonomiya. Hindi matatawaran ang kanilang mga sakripisyo sa pagtatrabaho kahit kakambal ang panganib, tulad ng ating mga frontliners and healthcare workers na nagbuwis ng buhay nitong nakalipas na dalawang taon dahil sa pananalasa ng pandemya.
Bagama’t may kaunting paggaan ang ating nararanasan dahil sa pagbaba ng kaso ng COVID-19 at unti-unting pagbubukas ng pambansang ekonomiya, hindi pa rin tayo tinatantanan ng mga panibagong hamon sa buhay. Pangunahin dito ay ang patuloy na pagsipa ng presyo ng gasolina at pagtaas ng presyo ng mga bilihin na nagpapahirap sa ating mga manggagawa at kanilang mga pamilya.
Kaya naman kapag ako ay muling mailuklok sa Senado, buo ang aking loob at determinado na magpasa ng batas na magsusulong ng legislated minimum wage para sa dagdag-sahod ng lahat ng manggagawa. Panahon na para bawiin sa wage board ang kapangyarihang magtakda ng sahod at ibalik ito sa poder ng Kongreso. Panahon na na gawin muli ng Kongreso ang trabaho nito sa pagtataya ng minimum wage rate na siyang magiging basehan ng pagsasaayos ng suweldo sa mga rehiyon. Panahon na para iangat natin ang sahod ng mga manggagawa.
Sa lahat ng ating mga manggagawa, saludo ako sa inyo. Mabuhay kayong lahat!