UTOS NA BALIK-OPISINA NG BPO, PINABABAWI NI ESCUDERO SA GOBYERNO

 

Dahil sa pagtuloy na pagtaas ng presyo ng fuel, hinimok ni Sorsogon Governor Chiz Escudero ang pamahalaan na bawiin ang nauna nitong kautusan na magbalik-opisina na ang mga empleyado ng business process outsourcing (BPO) centers sa Abril 1.

“Noong una, COVID-19 ang kalaban natin—at nandyan pa rin naman ang banta ng virus—pero ngayon tila mas malaking banta ang linggo-linggong pagtaas ng presyo ng petrolyo at ang nagbabadyang pagtaas din ng presyo ng mga bilihin,” ani Escudero.

“Kung kaya rin lang naman nila magtrabaho at maging produktibo sa bahay, bakit pa natin pipiliting bumiyahe ang mga tao? Baka pwedeng huwag na muna tayo dumagdag sa gastusin kasi nagsisimula pa lang tayo bumangon, at ito na nga, may kinakaharap na naman tayong bagong problema. Pwede bang status quo muna habang nag-iisip tayo ng solusyon?” aniya.

Nag-utos ang Fiscal Incentives Review Board, na pinamumunuan ni Finance Sec. Carlos Dominguez III, sa mga BPO company na nasa economic zones na mag-opisina na ang mga ito sa unang araw ng susunod na buwan dahil kung hindi ay maaaring mawala ang kanilang tax incentives na isang hakbang na mariing tinututulan ng mga manggagawa sa BPO at maging ng Philippine Economic Zone Authority.

Sinabi ni Escudero, na nagbabalik-Senado, na mukhang hindi gagap ng kalihim ang mga realidad na nararanasan ng mga tao nasa ibaba.

“Kailan lang ay iminungkahi nito ang pagkakaroon ng bago o mas mataas na buwis para may ipambayad ang gobyerno sa mga utang na hindi naman dapat mga mamamayan ang nagbabayad. Ngayon, ito na naman—gustong pabalikin ang mga BPO workers sa opisina kahit ang presyo ng gas ay halos isandaan na. Talaga bang napakahirap ilagay ang sarili nila sa lugar ng ordinaryong Pilipino? Can we not show a little compassion?” aniya.

Noong Marso 16, sumampa na ang mga presyo ng gas at diesel sa P94/litro at P84/litro ayon sa pagkakasunod. Nanawagan na rin para sa dagdag-pasahe ang mga tsuper at operator ng public utility vehicles para mabawasan kahit papaano ang kanilang pagkalugi.

Ang industriya ng BPO ang pinakamalaking pribadong sektor sa bansa kung saan may nagtatrabaho ng 1.3 milyong katao at nakapag-aambag ng $26 bilyon sa ekonomiya. Kahit noong 2021, sa panahon ng patuloy na pandemya, nakalikha ang mga BPO company ng 100,000 bagong trabaho at nakapagtala ito ng kitang $28.8 bilyon.