GOVERNOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Magandang umaga sa iyo, sa lahat ng listeners natin sa VW. Karangalan ko muling makabalik dito sa Borongan City, gayundin sa Eastern Samar. Maupay na aga sa lahat ng ating mga listeners.
EDEN CIDRO (EC): So, Sir, one-term lang po kayo as governor sa Sorsogon, why go back to the Senate?
CHIZ: For several reasons. Una, anuman ang galing at talino ang ibuhos ko bilang gobernador ng Sorsogon, may hangganan ang mararating namin dahil sa pandemya. Kung hindi aangat ang buong bansa, hindi namin mararating din ‘yung mga pangarap namin bilang isang probinsya. Pangalawa, sa bigat ng problema ng Pilipinas ngayon dahil pa rin sa pandemya, ito’y mga panahon, ika nga, na “all hands-on deck”. Kung anumang may maiaambag, matutulong mo sa pag-unlad muli, pagbalik ng dating sigla ng ekonomiya natin, iambag, ialok at itulong mo na. Ang iniaalay, iniaalok anumang talento, galing, karanasan at talino meron ako para sa muling pagbangon ng ating bansa.
EC: Do you think it is more sustainable to give Php200 na ayuda instead of scrapping the excise tax sa fuel?
CHIZ: Ang problema sa ayuda, ‘yung systems loss. Makakarating ba talaga sa mga driver? Makakarating ba talaga sa dapat makarating? Ang pagbaba ng excise tax, agarang tulong ‘yan. Agarang epekto ‘yan sa lahat ng mga Pilipino. Dapat bigyan ng kapangyarihan ang gobyerno para babaan yung buwis kapagka tumataas ‘yung presyo ng langis. Para hindi kasama ‘yung gobyerno sa pasanin natin.
Alam mo, ‘pag binabaan ‘yung excise tax, ‘pag binabaan ‘yung value-added tax, bababa ang presyo ng gasolina ng mula Php3 hanggang Php8. Agad ang epekto nun, hindi lamang sa mga tsuper, sa bawat Pilipino, pati mga mamimili. Hindi rin tataas ang presyo ng bilihin. Mas efficient na sistema ‘yun.
Pero sino bang nagsasabing isa lang ang puwede nating gawin? Puwede naman nating gawin ‘yung dalawa. Magbigay tayo ng subsidya sa transport sector at babaan din natin ‘yung excise tax at value-added tax na ipinapataw sa produkong petrolyo.
EC: Pero kasi ‘yung Php200 na ibibigay sa mga pamilya dito sa lower–
CHIZ: Basta tiyakin lang nila na talagang matatanggap ‘yan, makararating at hindi mawawala sa proseso papunta sa mga pamilyang dapat makatanggap. Pangalawa, ilang beses ba nila gagawin ‘yan? Baka naman para makatulog lang sila sa gabi, magbibigay ng Php200. Alam naman natin kulang ‘yan kahit na sa loob ng isang araw sa pamilya na walo. So ano ‘yun, para magandang pakinggan na may tulong na binigay o talaga bang tulong ‘yan na inaalam ‘yung kailangan ng pamilyang Pilipino sa ngayon?
EC: So ano ang masasabi because maraming mga, isang labor group nag-file ng petition with the RWBs for a Php750 increase sa minimum wage.
CHIZ: Ako naniniwala na hindi ginagawa ng mga regional wage boards ang trabaho nila. Lahat ng wage boards sa buong Pilipinas puro reklamo ang naririnig natin kaugnay ng anumang increase na ibinibigay nila kung meron man. Sa mahabang panahon, tila kinakampihan ng mga wage boards palagi ang mga employer at negosyante. Hindi mga empleyado o employees.
Panahon na, tingin ko, makalipas ang ilang dekada din naman na magpasa ang Kongreso ng legislated minimum wage hike. At mula noon, kumbaga simula ulit tayo sa simula. Magtatag uli tayo ng bare minimum sa buong bansa at mula dun ibigay natin muli sa wage boards para iangat, accordingly, sa pangangailangan ng kada rehiyon. Pero panahon na, na gawin muli ng Kongreso ang trabaho nya sa pagtataya ng minimum wage rate uli. Php700 man, Php600 man, Php650 o Php750, kailangan ‘yang amount na ‘yan manggaling na sa Kongreso.
EC: Isa kami sa pinakamahirap na province. Kung makabalik kayo sa Senado, paano niyo naman kami matutulungan? Pano mabibigyan ng boses ‘yung mga mahihirap na mga provinces katulad namin at iba pang mga provinces?
CHIZ: 98% ng negosyo sa ating bansa kabilang ang Eastern Samar ay MSME, maliit at medium size na mga negosyo. Kung tulungan natin ‘yan lalong-lalo na sa mga pinakamahihirap nating probinsya, para mo na rin natulungan 98% ng ekonomiya.
Pangalawa, karamihan ng mahihirap nating kababayan nasa sektor ng agrikultura. Alam mo Eden, ang budget ng agriculture department ay nasa Php80-B lamang. Bakit ko nilalamang ang Php80-B? Dahil kapagka kinumpara mo yan sa budget ng DPWH, ang budget ng DPWH ay Php840-B. Wala pang 10% ng budget ng DPWH ang budget ng Department of Agriculture. Kung talagang gusto nating tulungan ang mga magniniyog, ang mga magsasaka, at mangingisda, nagtatanim ng gulay, puwes lagyan natin ng tama at sapat na pera ang Department of Agriculture. Ika nga sa Ingles, “put your money where your mouth is”.
Layunin ko, at sana marinig ko ‘yan sa isa sa mga tumatakbong presidente ngayon na napakarami, ang lalagyan nila ang kagawaran ng agrikultura ng hindi bababa sa Php400-B sa unang taon ng kanilang panguluhan. At bago matapos ang anim na taon, dodoblehin pa niya ‘yun at papaakyatin ng Php800-B. Sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng budget tunay na makakaangat ang pinakamahihirap nating mga kababayan at lalawigan.
Ang Sorsogon, Eden, katulad ng Eastern Samar. Agriculture-based ang ekonomiya namin. Matutulungan ang ganyan klaseng programa ang pinakamahihirap na probinsya. Hindi lamang ‘yun, matutulungan din ang pinakamahihirap nating mga kababayan na nasa sektor ng agrikultura.
EC: Sir, ano kayang mga tips ang maibibigay mo sa local executives para hindi naman maging masyadong dependent on the internal revenue?
CHIZ: Tali naman talaga ang kamay maski ang Lalawigan ng Sorsogon nakadepende roon. Tali naman talaga ang kamay kung wala silang taxes na makukuha dahil wala pa namang negosyo, mahirap nga ‘yung probinsya. Wala pa namang negosyong tinatayo. Wala silang local revenue na puwedeng pagkunan.
Bigyan kita ng halimbawa, Eden, ang budget ng Makati, Siyudad ng Makati ay humigit kumulang Php28-B. Ang IRA nila ay nasa Php600-M lang. Maski mawala ‘yung IRA, buhay sila. Ang lalawigan ng Sorsogon ang ay IRA ay Php1.7-B, kulang-kulang. Ang local revenue namin ay nasa Php100-M.
Tulad marahil ng Eastern Samar, ganoon din ‘yung ratio dahil wala pa naman talagang negosyo dito. Isa sa mga layunin ko kung makakabalik sa Senado, ire-review ko ang IRA allocation. Hindi naman na kailangan ng mga mayayamang probinsya at siyudad ang IRA tulad ng mahihirap na probinsya. Kailangan depende sa income classification ng probinsya mas malaki ang share nila sa IRA kumpara sa mga probinsya na meron namang local revenue o local sources or revenue. Dahil hindi naman sila ganoon ka-dependent na sa IRA para ma-reallocate ‘yung sources kung saan talaga kailangan at ‘yun ay sa pinakamahihirap na probinsya.
EC: Mandanas Law, ano ang maitutulong nito sa mga LGUs?
CHIZ: Ang problema sa Mandanas Ruling, tumaas nga ang IRA namin ngayong 2022 pero next year, bubulusok pababa ito. Nakabase ang IRA sa income ng national government three years ago. So, 2019 lumabas ‘yung desisyon kaya ngayon natin naramdaman ‘yung Mandanas Ruling ng 2022.
Pagdating ng taong 2023, nakabase sa internal revenue ng national government nung pandemya. Tandaan mo, ang ekonomiya natin, Eden, from +6% GDP noong 2019 bumulusok pababa ng -9% ang ating GDP. 15% ang binaba ng ating ekonomiya. So bumaba ang ekonomiya, bumaba ang collection, bumaba ang internal revenue. Tinatayang bababa ng mga 25% to 28% ang IRA ng mga lokal na pamahalaan next year.
‘Yan ang dapat paghandaan ng mga local government units. ‘Wag nilang ubusin lahat ng ibinigay ng Mandanas ruling. Wag silang mag-create ng item o mga tinatawag nating recurring expenditures sa gamit ang Mandanas Ruling dahil sa susunod na taon, baka wala na silang pang-suweldo dun sa mga item na ‘yun. So dapat maging maingat, mapanuri at pag-aralan ng husto ng mga lokal na pamahalaan ang paggamit ng mataas na IRA ngayong taong ito dahil sa Mandanas.
EC: Sir, pabor ba kayo sa pagtatag ng isang Department of Disaster and Risk?
CHIZ: Hindi nareresolbahan ng isang departamento ang problema. Mag-create ka lang ng departamento. Bigyan kita ng example, nag-create tayo ng Department of Information Communications Technology. Bumilis ba ‘yung internet natin? Ganoon pa rin naman. Lumakas ba ‘yung signal natin sa bawat sulok ng bansa? Hindi pa rin naman.
At ang magiging problema sa isang departamento, ka-lebel lang niya ang secretary ng DSWD, secretary ng National Defense, secretary ng PNP, secretary ng DPWH. Bilang kalihim ng Disaster Risk Reduction Management, kaya ba niya utusan yung mga kapwa niya kalihim? “Hoy, DSWD. Magpadala ka ng relief goods dun.” “Hoy DPWH, i-clear mo ‘yung kalye.” “Hoy, military. Magpadala kayo ng sundalo dun.” Kaya ba niyang mag-utos kung ka-lebel lang niya ‘yun?
Ang kasalukuyang sistema, NDRRMC, ang chairman ay presidente ng Pilipinas. ‘Yun sigurado ako bilang commander-in-chief kaya niyang utusan lahat ng militar. Gamitin ang lahat ng eroplano ng militar para sa disaster, relief at rescue. ‘Yun sigurado ako kaya niyang utusan ang DPWH secretary para gumalaw at kumilos. Gayundin ang DSWD, ang DA at iba pang mga departamento.
Kailangan lang klaruhin ‘yung kapangyarihan ng bagong departamentong ‘yan, kaugnay ng mga ibang secretary. Maliban na lang kung kukunin mo ‘yung function na ‘yun at ilalagay mo na sa kanya. Pero malaking away ‘yan dahil hindi papayag ‘yung mga kalihim na nasa kanila lang ‘yung kapangyarihang ‘yun.
EC: Thank you for your time, Governor.
CHIZ: Maraming salamat, Eden. At karangalan kong palaging makausap ka, gayundin ang ating mga kababayan sa pamamagitan ng DYVW at gayundin muling makabalik dito sa Borongan City at sa Eastern Samar. Mamaya na lang ‘yung ibang tanong sa press con. Magiging karangalan kong sagutin ‘yan. Maraming salamat muli, sa ating listeners at magandang umaga po sa inyong lahat. Ingat po kayo lahat.