WAKE SERVICE OF SUSAN ROCES

 

Sa mga kaibigan po at nagmamahal kay Ninang Susan, isang maganda at pinagpalang gabi. “Ninang Susan” na ang tawag ko kay Ninang Susan bagama’t si FPJ ang ninong ko sa unang kasal ko. Pero mula nang pumanaw si FPJ, sinabihan niya ako na siya na ang papalit sa yapak at paa at papel bilang ninong ko dahil wala na siya. Mula noon, naging malapit kaming magkaibigan, magkakampi, at magkatrabaho din.

Naging bahagi ako sa nag-ayos at tumulong para maiayos ang estado ng yumaong si FPJ noong mga panahong iyon. At noong mga panahong din ‘yon, parang dumaraan ako sa butas ng karayom sa Dabarkads sa pamamagitan ni Tita D, dahil bagong miyembro ako ng Dabarkads noon. Na akala ko’y nakikikain lamang, i-interviewhin pala ako nang puspusan para maging parte at bahagi ng grupo habang sila ay kumakain. Dun ko nakilala, nakausap, nakita ang lahat nang dapat mahalin kay Ninang Susan, noong mga oras at panahon na ‘yon.

Hayaan niyong ibahagi ko ang isang simpleng kuwento na nangyari. Noong taong 2009, araw ng Pasko nang iniwan ako nang dati kong asawa. Wala akong matawagan dahil alam ko lahat ng kaibigan ko kasama ang kanilang mga pamilya, mahal sa buhay dahil masayang araw ang Pasko. Ang naisip at naalala ko lang guluhin ng araw na ‘yon, gabi ng Pasko, ay si Ninang Susan. Agad niyang sinagot at doon ako tumambay muna. Kinausap. Naglabas ng sama ng loob. Sinamahan niya akong uminom ng San Mig Light hanggang madaling araw para mapawi ang lungkot na nararamdaman ko noon.

At dun siya nagbahagi ng mga kuwento na nais kong ibahagi sa inyo. Sabi niya, “Chiz, alam mo, nang ikinasal kami ni FPJ, siya ang sentro ng mundo ko. Bawat galaw, bawat salita, bawat bahagi nang iniisip ko, siya palagi ang nasa sentro nun. Magluluto ako sa bahay. Aayusin ko ang pampaligo niya. Aayusin ko ang palitan ng kanyang damit para pag-uwi niya, nakahanda na iyon.” Subalit sa paglipas ng panahon aniya, “Medyo madaling araw nang umuuwi si FPJ at napapadalas ata ‘yon.” Tatawagan niya ang number ng studio, tapos na raw ang shooting pero mga ilang oras pa bago siya makauwi. Isang araw daw, umuwi si FPJ ng madaling araw at tulog siya. Kinausap siya ni FPJ. Ginising siya ng dahan-dahan and sinabi ni FPJ, “Noong bago tayo ikasal, palagi kang gising at hinihintay akong dumating. Bakit ngayon ilang taon pa lang, natutulog ka na bago pa ako dumating?” Ang sagot daw niya, “Natulog lang ako para tiyakin ko na gising ako anumang oras ka dumating. Kahit madaling araw, gising ako upang tiyakin na magagawa ko anumang dapat ko pa rin gawin.”

Lumipas ang panahon, at sabi niya wala naman perpektong relasyon at darating ang panahon na kinakailangan mo na magkaroon ng sariling buhay din, labas sa pagiging asawa lamang ni FPJ. Dun siya nagkaroon ng Dabarkads, aniya. Dun siya nagkaroon ng taniman o farm sa Batangas. At dun din siya muling nahing aktibo sa kanyang propesyon at karera.

Sabi niya nang pumanaw si FPJ, dun lang niya nakita ang galing ng Diyos talaga. “Alam Niyang kukunin Niya sa akin ng una si FPJ kaya binigyan Niya ako — sama ng loob man, lungkot man, ibang buhay sa labas ng asawa ko — para sa gayoon, maski na kunin na siya, may sapat pa rin akong dahilan na mabuhay at patuloy na mabuhay.” At ang pinakamalaking bahagi noon ay si Senator Grace. Hindi pa kita nami-meet noon, Grace. Una kong nakita si JSP.

Para sa akin naging makahulugan ang mga salitang ‘yon. Biniro ko nga siya, sabi ko, “Sana makita ko rin ang rason ng lahat ng ito pagdating ng panaon.” Noong nagpaalam ako sa kanya na ikakasal ako kay Heart, binalikan niya ako ng kuwentong ito muli. Ang sabi niya, “Tingnan mo na. Sabi sa iyo, kapag hindi ka dumaan sa masakit na bahagi ng buhay mo, hindi mo makikita ang tunay na kahulugan at nakalaan para sa iyo na inilaan para sa iyo ng Diyos.”

Para sa akin, isang pinakamagaling at mabuting aral na itinuro niya sa akin, “Kailanman huwag mong hilingin ang hindi nararapat sa iyo. Marapat hantayin at tanggapin mo kung ano ang ginagawad at binibigay sa iyo ng Diyos na may buong tiwala sa kanyang pagmamahal. Na wala siyang gagawin na hindi nababagay at hindi nauukol para sa ‘yo.”

May nabasa akong kasabihan na nagsasabing, “It’s difficult to turn a page when someone you love or really love won’t be in the next chapter anymore.” Si Ninang Susan, mananatiling buhay siya sa ating alaala. Sa bawat salita na sasabihin natin. Sa bawat galaw na isasabuhay natin. Dahil patuloy pa rin ang kuwento ng mga buhay ninyo, ng buhay natin. At kailanman, hindi kayang bawiin, anumang alaala, payo, at aral na ibinigay niya sa atin noong siya’y nabubuhay pa. At mananatili ‘yon sa ating isip at sa ating puso.

Ninang Susan, maraming salamat sa lahat nang pagpayo at pagsama. Mami-miss namin kayo. Tiyak mami-miss lalo kayo ni Grace dahil wala nang mangungulit at mang-aaway sa kanya. At huwag po kayong mag-alala, kailanman, hindi ko po pababayaan — pero ‘di na naman niya ako kailangan — ang inyong anak na si Senator Grace. Magandang gabi po at maraming salamat.